Sampolan ‘maang-maangan’ na testigo ng depensa – Tulfo
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senador Raffy Tulfo, isa sa mga senator-judge, nitong Martes, Nobyembre 10, ang Senate Impeachment Court na kumilos laban sa mga testigong tila umiiwas sa pagsagot sa mga tanong.
Inihayag ni Tulfo ang panawagan sa gitna ng cross-examination ng House private prosecutor na si Mae Divinagracia kay Davao City Accountant Vingelin Bajan, na tinanong tungkol sa dati nitong pagkakasangkot sa isang accounting firm.
“Kahapon, ‘yung witness, isang witness na tawa-tawa. Ngayon, eto very evasive na maang-maangan,” ani Tulfo.
Maliwanag aniyang walang respeto ang mga testigo sa impeachment court.
“Kasi sa nakikita ko, wala silang respeto sa impeachment court. Disregard nila the fact na we can do something dito sa kanilang pagmaang-maangan, sa kanilang pagtatawa-tawa,”ani Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na dapat pag-isipan ng korte na gawing halimbawa ang mga testigong hindi seryosong nakikilahok sa mga pagdinig.
“Siguro kailangan na, it’s about time magkaroon tayo ng sample,” aniya.
Nagsimula ang isyu matapos iharap ni Divinagracia ang mga dokumento mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) na nagpapakitang naging bahagi si Bajan ng isang accounting partnership na itinatag noong 2003.
Ayon sa prosekusyon, inamyendahan ng kompanya ang Articles of Partnership nito noong 2015 at inalis ang pangalan ni Bajan, isang taon bago siya italaga bilang Davao City accountant.
Hinimok din ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero si Bajan na direktang sagutin ang mga tanong at nagbabala na maaaring maglabas ang korte ng mga kautusang magpipilit sa kanya na sumagot. “Ms. Bajan, please answer. Otherwise, the court will be constrained to issue the necessary orders to compel you to answer,” ani Escudero.
Iniharap ng depensa ni Duterte si Bajan upang linawin ang bayad na P64,194.72 na inilabas ng pamahalaang lungsod ng Davao noong 2023. Tinukoy ng accountant na ito ay salary differential o pagkakaiba sa sahod na nagmula pa noong alkalde ng lungsod si Duterte.
- Latest


















