Love triangle: 26-anyos todas sa karibal
MANILA, Philippines — Patay ang isang 26-anyos na lalaki matapos saksakin ng dating nobyo ng kasalukuyang karelasyon nito sa isang bakanteng lote sa loob ng Treelane 3 Residences, Brgy. Bucandala 1, Imus City noong Linggo.
Matinding selos ang tinitingnang motibo ng Kawit at Imus Component City Police Station (CCPS) sa pagpatay sa biktima na si alyas “JV,” 26-anyos habang pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na si alyas “Jerome,” 36-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pananaksak bandang ala-2:00 ng madaling araw nang abangan ng suspek ang biktima at isinagawa ang pagpatay.
Napag-alaman na ang suspek na si alyas “Jerome” ay dating ka-live-in ni alyas “Cath” na kasalukuyang karelasyon ni JV.
Sa pahayag ng isang saksi, nagpunta ang suspek noong nakaraang buwan ng Oktubre sa barracks ng biktima at hinahanap ito. Armado umano ng patalim ang suspek at nagbanta na papatayin ang biktima.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nitong Nobyembre 4, nakipag-usap pa umano ang suspek kay Cath at nakikipagbalikan na tinanggihan ng babae.
Ito ang sinisilip na nagtulak sa suspek para patayin ang karibal.
Natuklasan ang duguang katawan ng biktima sa bakanteng lote ng isang concerned citizen sa loob ng nasabing subdibisyon.
- Latest


















