Testigo ni VP Sara may ‘amnesia’ sa China trip

Mga senador nainis
MANILA, Philippines — Nagdulot ng pagkainis sa ilang senador-hukom ang unang testigong iniharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte matapos itong magbigay ng hindi malinaw at magkakasalungat na sagot kaugnay ng umano’y biyahe nito sa China at sa isang ari-ariang iniuugnay kay Mans Carpio.
Sa ika-40 araw ng impeachment trial, tumestigo si Davao City Assessor Jaime Adalin upang patunayan na nakadeklara sa SALN ni Duterte ang pinagtatalunang ari-arian sa Matina Crossing, Davao City.
Sa cross-examination ni House prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr., tinanong si Adalin kung nagkaroon ba ng umano’y all-expense-paid trip sa China ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Davao City noong Nobyembre 2025, na pinondohan umano ng Chinese Consulate. Una niyang sinabi na hindi niya matandaan ang mga detalye ng biyahe, kabilang ang mga petsa at lugar na kanilang pinuntahan. Nang tanungin ni Sen. Risa Hontiveros kung nakapunta sila sa Beijing, sumagot lamang siya ng, “Parang nakapunta po kami,” bagay na ikinainis ng senador-hukom.
Dagdag pa ni Hontiveros: “Paano ka talaga nakadalaw ng ibang bansa at nakapunta sa higit sa isang lugar na hindi niyo maalala 10 months later. Binlind fold po kayo?”
Muli rin siyang kinuwestiyon nina Sen. Raffy Tulfo at Senate President Chiz Escudero matapos mabigo na malinaw na sagutin kung kailan at paano isinagawa ang naturang paglalakbay.
“Ang tanong ay simple, ano po ang hindi ninyo naalala? Yung petsa o yung biyahe?” tanong ni Escudero.
Ayon kay Adalin, personal nilang ginastusan ang biyahe ngunit hindi na niya maalala kung sino ang nag-organisa o nag-facilitate nito.
“Ayan ka na naman nagkakaroon ka ng amnesia. Of course you should know that. Sabi mo group kayo, syempre kung pera niyo ‘yan alam niyo kung anong travel agency ninyo para makatipid,” puna ni Tulfo.
Dahil sa paulit-ulit na pag-iwas sa direktang pagsagot, nagbabala si Sen. Erwin Tulfo na maaari siyang maharap sa contempt dahil nasa ilalim siya ng panunumpa. Aniya, hindi dapat gawing biro ang testimonya sa harap ng impeachment court.
“Para po tayong niloloko ng testigo na ito. Sir, may I remind you that you are under oath. ‘Yung ginagawa ninyong kengkoy ang inyong testimonya, bawal po ’yan. We can cite you in contempt. We are serious here,” ani Tulfo.
Kinuwestiyon naman ni Sen. Raffy ang sinabi ni Adalin na komersiyal ang ari-ariang may karatulang Prime Bistro pero ginagamit itong tirahan.
“Nakalagay na nga Prime Bistro, kumbaga iyon ay negosyo, dining,” dagdag ng senador. “So naglagay ka ng dining, naglagay ka ng karatula para tutulugan mo lang? Parang iyon ang pinapalabas ng witness.”
Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation na nakarehistro kay Mans Carpio ang Prime Bistro. Sa SALN ni Duterte, P10 milyon ang nakasaad na halaga nang makuha ang ari-arian, habang P82,000 ang nakalistang fair market value.
- Latest
















