Islamic missionary itinumba sa Maguindanao

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang popular na Islamic missionary sa Datu Paglas, Maguindanao del Sur matapos na barilin ng hindi kilalang salarin nitong Lunes ng gabi, limang oras matapos ang pananambang at pagpatay sa apat na Moro sa isang lugar sa nasabing probinsya.
Kinilala ang biktima na si Ustadz Badruddin Bangkulit na kilala sa kanyang aktibong pagganap sa community peacebuilding activities at pagtulong sa mga lokal na opisyal sa pagresolba sa mga sigalot sa hanay ng mga residenteng Moro ng Datu Paglas.
Ayon sa mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at local executives sa Datu Paglas, si Bangkulit ay katatapos lang na magsagawa ng “Aisha”, ang huli sa limang dasal sa Islam para sa nasabing araw, at habang nasa kanilang bakuran na sa Barangay Damawato, Datu Paglas nang lapitan ng isang lalaki at agad bumunot ng kalibre 45 na baril saka sunud-sunod na pinaputukan ang una.
Agad na nasawi sa insidente si Bangkulit dahil sa rami ng tinamong tama ng bala sa katawan habang ang suspek ay mabilis na tumakas dala ang baril na ginamit sa pagpatay sa preacher. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang matukoy ang salarin at motibo sa krimen.
- Latest















