Bato, mas ligtas sa Pinas kaysa ibang bansa sa gitna ng ICC Warrant
MANILA, Philippines — Inihayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, mas ligtas pa ring manatili si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Pilipinas kaysa bumiyahe o magtago sa ibang bansa dahil sa kaniyang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Lacson na nalilimitahan ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC) ang mga opsyon ni Dela Rosa dahil mas lantad siya sa panganib na maaresto kung pupunta siya sa ibang bansa.
Sinabi ni Lacson na kung sa Pilipinas inilabas ang arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, maaari sana siyang humanap ng kanlungan sa isang bansang walang extradition treaty sa Pilipinas.
“Pero kung ang warrant mo sa ICC, wala kang susuotan. Mas safe ka pa sa Pilipinas,” aniya.
Noong Linggo, sinabi ni Lacson na umaasa at nananalangin siyang mabigyan si Dela Rosa ng due process at, kung maaaresto man ito na maisagawa iyon nang mapayapa at walang trahedya.
Sinabi ni Lacson na mali na tumbasan ng isa pang kamalian ang isang kawalang-katarungan sa pamamagitan ng pagkakait ng due process kay Dela Rosa, gaya ng panawagan ng ilang grupong naghahangad ng hustisya para sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) noong administrasyong Duterte.
- Latest



















