Maymay at Ben&Ben, naghihintay raw ng nominasyon sa Grammy

Umaasa rin sina Maymay Entrata at Ben&Ben ng nominasyon sa upcoming Grammy Awards 2027 dahil kabilang na rin sila sa nag-submit ng kanilang entries for consideration para sa nasabing prestihiyosong music awards.
Isinumite ng Ben&Ben ang reimagined version ng kanilang hit song na Leaves para sa Best Pop Group/Duo Performance category.
Sa social media, nagpaabot ng mensahe ang grupo sa kanilang loyal fans na kilala bilang Liwanag, kasabay ng pagbabahagi ng kanilang Grammy campaign. “Suntok sa buwan, imposibleng pangarap, pero susubok pa rin! Salamat sa paglipad kasama namin, Liwanag,” saad ng banda.
Para sa Ben&Ben, isang malaking hakbang ang pagsubok na ito upang mas maipakilala ang kanilang musika sa mas malawak na audience sa labas ng Pilipinas.
Samantala, emosyonal naman ang naging reaksyon ni Maymay matapos malaman na isinumite para sa Grammy consideration ang kanyang awiting Masunog Man sa Best Asian Pop Music Performance category.
Ayon sa singer-actress, may malalim na personal na kahulugan ang kanta dahil konektado ito sa lungkot at pangungulila na naramdaman niya matapos pumanaw ang kanyang ina.
“Woaaaah! Maraming salamat po!” masayang pahayag ni Maymay.
“This song is very personal to me because it represents the grief I felt after my mom passed away,” pagbabahagi niya.
Aminado rin ang aktres na malaking bagay para sa kanya ang naturang pagkilala dahil pakiramdam niya ay mas nakikita at nauunawaan ang personal na kuwentong nasa likod ng kanyang musika.
“This makes me feel so seen. MARAMING SALAMAT PO for even the thought of considering our song, ‘Masunog Man,’ for this incredible recognition!” dagdag pa niya.
Buong puso rin niyang ipinahayag ang suporta sa OPM at sa mga kapwa Pilipinong patuloy na nangangarap na makilala sa buong mundo.
“Kasabay sa alon, bandera ng OPM ay babangon!” aniya.
Hindi lamang sina Maymay at Ben&Ben ang mga Pilipinong umaasang makapasok sa Grammy Awards 2027.
Kabilang din sa mga nagsumite ng entries sa Best Asian Pop Music Performance category sina Khimo Gumatay, ang Idol Philippines Season 2 winner, ABS-CBN artist Carmelle Collado, at ang Showtime Baby Dolls.
Matatandang nauna nang inanunsiyo ng P-pop superstars na SB19 at BINI ang kanilang mga entry para sa Grammy Awards 2027 consideration.
Isinumite ng SB19 ang kanilang kantang VISA para sa Best Asian Pop Music Performance category, habang ang LAWLESS naman ay inihain para sa Best Pop Duo/Group Performance.
Tatlong entries naman ang isinumite ng BINI para sa consideration: Best New Artist, Best Asian Pop Music Performance para sa Unang Kilig, at Best Song Written for Visual Media para sa A Parallel World.
Anyway, ang submission ng entries sa Grammy Awards ay hindi nangangahulugang official nominees na ang mga artist. Kailangan munang dumaan ang mga ito sa review at voting process ng Recording Academy bago matukoy ang final list ng mga nominado.
Nakatakdang ianunsiyo ang nominations para sa 2027 Grammy Awards sa Nobyembre 16, 2026, habang gaganapin naman ang awards ceremony sa Pebrero 7, 2027 sa Los Angeles.
Alex, nilayasan muna ang anak
Matapos makapanganak, for the first time ay iniwan muna ni Alex Gonzaga ang baby nila ni Mikee Morada para magsagawa ng charity at mag-vlog.
Sa latest video na in-upload sa YouTube ng aktres/content creator ay mapapanood ang pamimigay nila ng ayuda sa mga bagong panganak na mommies sa isang ospital sa Lipa City kung saan nga ay naninilbihan si Mikee bilang Vice Mayor.
Aniya sa simula ng vlog, matagal na raw nila itong planong mag-asawa bago pa man siya manganak.
“Naplano na namin ni Mikee ito na gusto naming gawin right after manganak. Inantay ko lang na may vaccine na kahit papaano si baby para ‘pag umalis ako at bumalik man sakali, in Jesus’ name, we’re protected, so wala kaming madadalang virus, maliligo kami kaagad,” sey ni Alex.
Pero sinisigurado pa rin niya of course na may maiiwang pamilya sa anak nila tulad ng ina niyang si Mommy Pinty or mommy ni Mikee.
Habang nagbibiyahe ay naka-monitor pa rin naman sila sa kanilang anak via CCTV camera.
Anyway, namigay sina Alex at Mikee ng diapers, baby wipes, wash at P5,000 cash sa mga bagong panganak na mommies.
Personal niyang pinuntahan mismo isa-isa ang mga bagong panganak para iabot ang tulong at kumustahin din ang mga ito. Relate na relate si Alex sa kwento ng mommies bilang isa na rin siyang ina.
Sa dulo ng vlog ay makikitang pag-uwi ng bahay ay sabik na sabik na pinuntahan ng mag-asawa ang kanilang baby na miss na miss na nila agad.
- Latest



















