DOH Director, mister kinasuhan sa Ombudsman
MANILA, Philippines — Isang reklamo ang inihain sa Office of the Ombudsman laban kay Department of Health (DOH) Director III Dr. Phoebe S. Tajanlangit kaugnay ng umano’y conflict of interest at posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Si Tajanlangit ay nakatalaga sa Health Facilities Enhancement Program Management Office (HFEP-MO) na nangangasiwa sa mga proyekto para sa pagpapahusay ng mga pasilidad pangkalusugan.
Ayon sa mga complainant, ang asawa ng opisyal na si Joe Tajanlangit ay iniuugnay sa A.C. Tajanlangit Construction, Builders and Development Corporation. Inireklamo rin ang umano’y pagsama nito sa ilang aktibidad ng HFEP gaya ng site inspections, project evaluations, official travels, at stakeholder meetings.
Hiniling ng mga nagreklamo na siyasatin kung nagkaroon umano ng access ang asawa ng opisyal sa non-public procurement information, project evaluations, site assessments, at iba pang impormasyong may kaugnayan sa bidding at implementasyon ng mga proyekto.
Kasama sa hinihiling na imbestigasyon ang pagsusuri sa DOH travel orders, attendance sheets, photo logs, vehicle logs, gayundin sa SALN at iba pang corporate at financial records. Binanggit sa reklamo ang Sections 3(e), 3(g), at 3(h) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Inihain ang reklamo noong Setyembre 2, 2026 ng grupong nagpakilalang Concerned DOH Employees / Crusaders Against Corruption and Government Graft. Nanatiling anonymous ang mga complainant dahil umano sa pangambang makaranas ng administrative retaliation at political harassment. Kalakip ng reklamo ang DOH Department Personnel Order No. 2026-3821 na nagtalaga kay Tajanlangit bilang Director III sa HFEP-MO.
- Latest



















