UP kakapit kay Veejay Pre
MANILA, Philippines — Kasama ang University of the Philippines sa mga nabawasan ng armas pero mananatili silang isa sa mga posibleng sumilo ng titulo sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na magbubukas sa Sabado sa Araneta Coliseum.
Sapagkat may bago silang matinding sandata, ito’y si VeeJay Pre na transferee mula sa Far Eastern University.
Sa loob ng dalawang seasons, si Pre ang isa sa pinakamalaking istorya ng pagtawid sa kabilang bakuran sa UAAP at inaasahang siya ang magiging pangunahing panargo para sa Fighting Maroons.
Malaking tulong si Pre sa post at magiging solid ang pick-and-roll ng Fighting Maroons kaya malaki ang tsansa ng koponan na masikwat ang kampeonato.
Makakatuwang ni Pre ang pagbabalik laro ni guard Rey Remogat at foreign student-athlete Francis Nnoruka.
Huling taon na ni Remogat sa paglaro sa UAAP, kaya inaasahang pangungunahan nito ang kanyang teammates bilang beterano ng koponan.
Nagdagdag ang UP ng ibang transferees na naka- kumpleto na ng kanilang one-year residency, ito’y sina James Payosing mula sa San Beda, Elliot Dimaculangan at Rainer Maga, kasama rin si rookie Sean Franco.
Ang ibang paghuhugutan ng puwersa ng Fighting Maroons ay sina Sean Alter, Jacob Bayla, Chicco Briones, Miguel Yniguez at Gani Stevens.
Napatalsik sa trono ang UP matapos nilang matalo sa semifinals ng FilOil EcoOil Preseason Cup.
- Latest



















