Dahil sa lihim na bank account
Dear Dr. Love,
Tawagin nyo na lang akong Elena. Limang taon nang kasal. Sumulat ako dahil masama ang loob ko sa aking asawa. Kamakailan, natuklasan kong may itinatago siyang hiwalay na bank account. Buwan-buwan pala siyang nagtatabi mula sa kaniyang bonus at extra income, habang ako naman ay nagkakamay-kamay sa pagba-budget ng panggastos sa bahay.
Nang tanungin ko siya, sinabi niyang para rin naman daw sa emergency at pamilya ang perang iyon. Hindi naman masamang mag-ipon, pero bakit kailangang ilihim? Pakiramdam ko ay nawalan siya ng tiwala sa akin at nawala na ang transparency sa aming pagsasama.
Mali bang magalit ako kahit maganda raw ang layunin niya? Paano ko maibabalik ang tiwala ko sa kaniya nang hindi kami nag-aaway?
Elena
Dear Elena,
Valid ang galit at tampo mo. Sa pag-aasawa, ang usapin ng pera ay usapin din ng tiwala. Kahit maganda ang intensyon ng iyong mister—na mag-ipon para sa emergency—ang paglilihim ang nakasisira sa inyong pagsasama.
Hindi ang pag-iipon ang mali, kundi ang kawalan ng transparency. Ang oayo ko, pagsikapan mo na kumuha ng tamang oras para makapag-usap kayo ng kalmado, malayo sa pagod at stress sa trabaho.
Tiyakin mo na maililihis mo ang iyong emosyon sa panunumbat. Mag makakabuti kung gagamitin mo ang mga salitang, “nasaktan ako dahil pakiramdam ko wala kang tiwala sa akin,” sa halip na “sinungaling ka.”
Maaari ninyo bigyan ng puwang ang malawak na pang-unawa at magkasundo tungkol sa bagong pondo. Bumuo kayo ng malinaw na budget plan. Magkaroon ng shared account para sa bahay at malinaw na kasunduan sa sariling allowance o emergency fund ng bawat isa.
Ang pagbabalik ng tiwala ay nangangailangan ng panahon at tapat na komunikasyon mula sa inyong dalawa. Mahalagang tandaan, hindi lang ang mister mo, kundi maging ikaw ay dapat pagtrabahuhan ang muling pagpapatatag ng pundasyon ng inyong pagsasama para mapanatiling buo ang inyong pamilya.
DR. LOVE
- Latest





















