P12K kada taon ayuda sa pamilya na minimum wage earner inihain sa Kamara

MANILA, Philippines — Inihain sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng P1,000 buwanang ayuda o P12,000 kada taon sa mga minimum wage earner na pamilya na hindi kabilang sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa ilalim ng House Bill No. 10648 o Pambansang Agapay sa Pamilya at Maliliit na Negosyo (PAMANA) Act, ang ayuda ay ipapasok sa isang digital wallet na nakaugnay sa Philippine Identification System (PhilSys).
Kabilang sa mga maaaring maging benepisyaryo ang mga pamilyang pinamumunuan ng minimum wage earner, nakarehistro sa PhilSys, at hindi benepisyaryo ng 4Ps.
Maaari ring mag-apply ang mga self-employed at informal sector workers na kumikita ng katumbas o mas mababa sa regional minimum wage sa pamamagitan ng kanilang lokal na tanggapan ng social welfare.
Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, layunin ng panukala na matulungan ang mga manggagawang may trabaho ngunit patuloy na nahihirapang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Binigyang diin ng solon na ang PAMANA ay kumikilala na hindi porke’t may trabaho ay sapat na ito para magkaroon ng seguridad sa ekonomiya.
- Latest



















