^

Bansa

Marcos: 7.5 milyong low-income may dagdag ayuda

Gemma Garcia - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes na magkakaloob ang pamahalaan ng panibagong bugso ng cash assistance para sa 7.5 milyong mahihirap na kabahayan sa gitna na rin ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng muling tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Pangulo, palalawakin ng gobyerno ang suporta sa mga Pilipino sa pamamagitan ng Uplift Assistance program na ipatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Sa ilalim ng programang ito, agad na makatatanggap ng tulong ang 7.5 milyong kabahayan, o katumbas ng 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa,” ani Marcos.

Nasa 1.5 milyong low-income earners na beripikado ng Social Security System (SSS) ang makatatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre o kabuuang P12,000 sa loob ng anim na buwan.

Samantala, 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ang makatatanggap ng P2,000 one-time cash grant.

Magbibigay rin ng tulong sa 2.5 milyong mahihirap at “near-poor” households na natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS).

“Layunin ng Uplift Assistance na matiyak na patuloy na matutugunan ng mga pamilyang Pilipino ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Pinalawak natin ang saklaw ng programa upang mas marami ang makinabang,” dagdag ni Marcos.

Dagdag pa ng Pangulo, titiyakin ng gobyerno na maipapamahagi ang tulong nang mabilis at ma­ginhawa sa pamamagitan ng digital na pamamaraan.

Nabatid na naglaan na ang Department of Budget and Management ng P12.375 bilyon na pondo para sa nasabing ayuda. 

Layon ng Pangulo na walang maiiwanang Pilipino sa gitna ng epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.

AYUDA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with