Guteza, wala sa custody ng Marines - Philippine Navy
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Philippine Navy (PN) na si Orly Guteza ay wala sa ilalim ng proteksiyon ng Philippine Marine Corps (PMC).
Matatandaang si Guteza ay ang “surprise witness” sa isinagawang imbestigasyon ng Senado sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Navy spokesperson Captain Marissa Martinez na si Guteza ay nagretiro na sa PMC noon pang Hunyo 30, 2020.
Dahil dito, wala na aniya ito sa ilalim ng administrative authority ng Philippine Navy.
“As a retired serviceman, he no longer falls under the administrative authority of the Philippine Navy. Any engagements or interactions he may have at present are undertaken in his personal capacity,” paliwanag ni Martinez.
“It must be also made clear that Mr. Orly Regala Guteza is not under the protection of the Philippine Marine Corps, which has no involvement in his personal affairs,” dagdag pa niya.
Si Guteza ay unang ipinakilala sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Setyembre 25 ni Senator Rodante Marcoleta.
Nagpakilala ito bilang dating security consultant ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, at personal umanong naghahatid ng suitcases na may lamang pera sa mga tahanan ni Co at ni Leyte 1st District Representative Martin Romualdez.
Mariin naman itong pinabulaanan nina Co at Romualdez.
- Latest


















