TRO vs SIM registration, ibinasura ng SC
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Supreme Court ang inihaing apela para sa ‘temporary restraining order (TRO)’ ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ilan pang inbibidwal laban sa implementasyon ng SIM registration law.
Sinabi ni SC spokesperson Brian Keith Hosaka na inilabas ng Korte Suprema ang desisyon sa en banc meeting sa Baguio City kahapon. Inatasan rin ng mga mahistrado ang gobyerno at mga telecommunication companies na magkomento sa petisyon sa loob ng 10 araw makaraang matanggap ang aktuwal na notice.
Kabilang sa mga respondents ang Departments of Information and Technology, Interior and Local Government, at Education; National Telecommunication Commission (NTC), National Privacy Commission; at ang mga telcos na Globe Telecom, Smart Communications, PLDT, DITO Telecommunity Corporation, Digitel Mobile Philippines at Cherry Mobile Communications.
Hindi naman naglabas si Hosaka ng dahilan sa pagbasura ng SC sa apela at kung ano ang naging botohan.
Noong Abril 17 nang ihain ang petisyon na layong ipahinto ang implementasyon ng naturang batas dahil sa umano’y pagiging labag sa Konstitusyon.
Iginiit nila na ang pagpaparehistro sa SIM cards ay isang uri ng ‘prior restraint’ at paglabag sa karapatan para sa malayang paghahayag.
- Latest