3 piskal ng Pasay sinuspinde ng DOJ

MANILA, Philippines — Tatlong piskal ng Pasay City ang sinuspinde ng 60 araw ni Justice Secretary Menardo Guevarra dahil umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa jewelry smuggling sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Una ng sinibak sa pwesto ng Malacañang si Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon Sr. dahil sa nasabing isyu.
Sa direktiba na inilabas ni Guevarra, pinasususpinde nito si Pasay City Prosecutors Office officer-in-charge (OIC) Benjamin Lanto, inquest prosecutor Florencio dela Cruz Jr., at associate prosecution Atty. Clementine Villanueva.
Itinalaga naman ni Guevarra bilang OIC ng Pasay City Prosecutors Office si deputy city prosecutor Dolores Pulgo-Rillera.
Batay sa inihaing formal complaint laban kina Lanto, dela Cruz at Villanueva, iimbestigahan ang tatlo ng DOJ Internal Affairs Unit kaugnay sa “prima facie case” dahil sa gross neglect of duty, gross incompetence at inefficiency.
Iimbestigahan ang tatlong prosecutors dahil sa kwestiyonableng pagpapalaya sa tatlong suspek nuong May 6 na sina NAIA Customs Operations Lomontod Macabando at ang mag-asawang Abraham at Bang-sa Mimbalawang.
Sinibak ng Pangulo sa pwesto si Macarambon dahil sa pag-intervene nito sa kaso.
Napag-alaman na ang mag-asawang Mimbalawang ay mga magulang ng daughter-in-law ni Macarambon.
- Latest





















