Pag-angat ng popularidad ni Gibo dahil sa plataporma
MANILA, Philippines - Iginiit ni Lakas-Kampi-CMD President at Saranggani Governor Miguel Dominguez na kumbinsido ang publiko sa isinusulong na programang pangpamahalaan ng presidential bet nito na si Gilbert “Gibo” Teodoro kaya mas nakikilala ito habang papalapit ang 2010 election.
Mas lalong nakikita ng mga botante lalo na ng mga estudyante at propesyunal ang talino, galing at kakayahan ni Gibo na pamunuan ang bansa.
Si Gibo ay nanguna sa isinagawang online survey ng Manila Bulletin at nanguna din ito sa 7th round ng presidential survey ng Facebook internet, bukod pa ang pangunguna nito sa mock polls sa University of the Philippines sa pangunguna ng Alpha Sigma Fraternity.
Aniya, sa ginawang pag-iikot sa Cebu, Iloilo, Abra, Cagayan, Bulacan, Maguindanao, Laguna at Quezon bukod sa kanyang campus tours sa Metro Manila ay hinangaan si Gibo sa kanyang ‘vision’ at presidential debate.
Si Gibo ay 3-term congressman ng 2nd district ng Tarlac bago ito hirangin ni Pangulong Arroyo na maging Defense chief noong 2007. Si Teodoro ay 1989 bar topnotcher at Harvard-trained lawyer bukod sa pagiging lisensiyadong commercial pilot. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending