CARP extension law pirmado na
Plaridel, Bulacan, Philippines – Nilagdaan na kahapon ni Pangulong Arroyo ang Comprehensive Agrarian Reform Program extension with reform (CARPer) upang lalong palakasin ang programang agraryo ng pamahalaan.
Palalawigin ng 5 taon ang pagpapatupad ng CARP kasabay ang paglalaaan ng P100 bilyon para sa land acquisition, distribution gayundin sa support services, agrarian justice delivery at iba pang funding requirements sa pagpapatupad nito sa loob ng 5 taon.
Sinaksihan nina Senate President Juan Ponce Enrile, Sen. Gringo Honasan na principal author ng Senate version, House Speaker Prospero Nograles, DAR Sec. Nasser Pangandaman, Finance Sec. Margarito Teves, Bulacan Gov. Jonjon Mendoza at iba pang national at local officials, ang paglagda ng Pangulo sa CARPer law na ginanap sa Don Cesario San Diego Gym sa bayan ng Plaridel.
Sa ilalim ng CARPer law ay lumawak ang sakop ng batas dahil mapapasama na rito ang lahat ng public at private agricultural lands at iba pang lupain na potensyal sa agrikultura.
Pinangunahan din ni Pangulong Arroyo ang pagkakaloob ng pagkilala sa mga nanalo sa Gawad Pitak award ng Land Bank of Philippines (LBP) saka nagtungo si Mrs. Arroyo sa Meycauyan, Bulacan upang pangasiwaan din ang pagpapasinaya sa water system projects ng gobyerno.
Nagtungo din ang Pangulo sa Libacao, Aklan para pasinayaan ang mga government projects dito gayundin ang pamamahagi ng cash grants sa mga beneficiaries ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending