Anniversary race pinaghahandaan ng trainers at hinete
MANILA, Philippines — Abangers ang mga karerista sa magaganap na 2026 PHILRACOM “Anniversary Race” na ilalarga sa pista ng Philippine Jockey Club Inc. sa Padre Garcia, Batangas sa Disyembre 6.
Bagama’t wala pang naghayag ng pagsali ay paniguradong hinahanda na ng mga trainer at hinete ang isasabak nilang pambatong kabayo para masikwat ang inaasam na malaking premyo.
Nakalaan ang P3M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta kung sakalaling mahigit sa pito ang magbabakbakan.
Subalit kung nasa anim pababa lang ang sasali ay hanggang fourth place lang ipamumudmod ang nasabing premyo sa event na may distansyang 2,000 meter race.
Paniguradong mahigpit ang magiging banatan ng mga magtatagisan ng bilis dahil paglalabanan nila ang P1.8M premyo para sa mananalong kabayo sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Kukubrahin ng pangalawa ang P600,000, mapupunta sa pangatlo ang P300,000 habang P150,000, P90,000 at P60,000 ang fourth hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod.
Magbubulsa rin ang breeder ng mananalong kabayo ng P150,000, sisikwatin ng second placer ang P90,000 habang P60,000 ang sa third.
Sa Nobyembre 23, (Lunes) ang nominasyon at ang deklasyon ng pagsali habang ang bolahan o drawing of lots ay gaganapin sa Disyembre 3, (Huwebes) na gagawin sa PJCI sa Padre Garcia, Batangas.
- Latest


















