fresh no ads
Sine ng selebrasyon | Philstar.com
^

Young Star

Sine ng selebrasyon

The Philippine Star

MANILA, Philippines - Kapag naririnig natin ang mga salitang “Buwan ng Wika,” siguradong ang unang pumapasok sa isip ay ang sabayang pagbigkas, Filipiniana costumes, at mga baunan nating punung-puno ng puto at bibingka. Pero huwag naman tayong masanay sa pag-iisip na hanggang dito lang ang halaga ng okasyong ito. Tandaan natin na ang Buwan ng Wika ay hindi lang pagdiriwang sa paaralan, kundi pagdiriwang ng ating sining at ng ating pagiging Pilipino. Mapapansin natin sa mga libro, tula, dula, at kanta kung paano pinapakita ng wikang Filipino ang mga katangiang maipagmamalaki natin bilang mga Pinoy.

Nakikita rin ito sa ating mga pelikula (at hindi lang sa mga hugot lines). Paminsan-minsan ay hindi naituturing na lehitimong uri ng sining ang pelikula — hindi raw ito kasinlalim ng panitikan, sabi ng iba — ngunit alam nating hindi iyon totoo. Narito ang limang pelikulang maipagmamalaki natin ngayong Buwan ng Wika.

1) José Rizal (Marilou Diaz-Abaya, 1998)

Kung hindi mo naiintindihan ang Noli Me Tangere o ang El Filibusterismo, huwag mong isiping kodigo o SparkNotes ang José Rizal. Pero kung kailangan mo ng inspirasyon para tapusin ang mga nobela, panoorin mo ito. Ang José Rizal ay isang marangal na pagpapakilala sa ating pambansang bayani bilang isang renaissance man. Ngunit hindi lang ito isang simpleng biopic, o biographical picture. Isinasadula rin ng José Rizal ang mga ilang bahagi ng Noli upang mas maintindihan natin ang koneksyon ng isang manunulat sa kaniyang mga kuwento.

2) Biyaya ng Lupa (Manuel Silos, 1959)

Mas simple naman ang Biyaya ng Lupa. Tungkol ito sa isang pamilya ng mga magsasaka na nagtitiis sa karahasan ng masasamang tao. Kahit makaluma ang kuwento at mga tauhan, wala pa ring kupas ang mga tema nito tungkol sa halaga ng pamilya at ng komunidad. Maipagmamalaki natin ito dahil napakadali sumuko sa harap ng trahedya, ngunit ipinapaalala dito ni Rosa Rosal na kailangan nating ipagpatuloy ang trabaho at ang pag-asa. Nakaaaliw ding makita na noon pa ay mayroon na tayong pelikulang peminista at nakikiramay sa mga PWD.

3) Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (Eddie Romero, 1976)

Hindi natin mapag-uusapan nang maayos ang wikang Filipino kung hindi babanggitin ang hilig natin sa pagpapatawa. Nag-uumpisa ang Ganito Kami Noon bilang komediya; nakatatawa ang mga eksena dahil hindi naiintindihan ni Kulas (Christopher de Leon) ang mga pangyayari sa paligid niya. Ngunit pagsimula ng kaniyang pag-aaral, dahan-dahan ding nagiging seryoso ang kuwento. Ginagamit ng pelikula ang wika upang ilarawan ang pag-unlad natin tungo sa pagiging “sibilisado.” Pero tinatanong pa rin tayo ni Eddie Romero: sino nga ba ang tunay na Pilipino?

4) Ari: My Life with a King (Carlo Catu, 2015)

Importante ang mga pelikulang katulad ng Ari: My Life with a King dahil isa ‘tong halimbawa ng tinatawag na regional cinema, o mga pelikulang galing probinsya na hindi Tagalog ang pangunahing wikang ginagamit. Ngunit higit pa diyan, pinapakita rin ng pelikulang ito ang kagandahan ng mga tulang Kapampangan. Hindi nagpapanggap si Carlo Catu na “cool” pa rin ang tradisyunal na panitikan sa 2016; naiintindihan niya kung saan nanggagaling ang kabataan, at pinapakita niya kung bakit mahalaga pa rin ito sa atin.

5) Manila by Night (Ishmael Bernal, 1980)

Naiiba ang Manila by Night sa ibang protest films noong panahon ng martial law dahil pambihira ang paraan nito ng paglaban sa pang-aapi. Ipinagdiriwang nito ang mga imperpekto at mga palaboy sa lipunan; niyakap at tinanggap ang maruruming bagay na tinakpan ng administrasyong Marcos. Tila sinasabi ni Ishmael Bernal na lahat ng mamamayang Pilipino — kahit sino pa man — ay may karapatang mabuhay nang masaya. Patunay ang Manila by Night na palaging may boses ang mga Pilipino, at basta’t mayroon tayong wika, hindi tayo mawawalan ng tinig.

Gawa ni Rard Almario

 

vuukle comment
Philstar
x
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with