Damo sa Pilapil (144)
KINABUKASAN, dakong alas otso, nakarinig ng tawag si Dulce mula sa labas ng kubo.
Nang dumungaw siya, sina Mateo at kapatid na si Noime. Nakangiti ang dalawa.
“Mabuti at maaga kayong dumating. Hindi tayo aabutin ng init. Halikayo pasok!’’
“Mam Dulce, ano po ba ang gagawin namin?’’ Tanong ni Mateo.
“Halikayo dito sa loob at kumain muna tayo ng almusal. Hindi pa ako nag-aalmusal.’’
Pumasok ang dalawa.
“Sige maupo na kayo at ipaghahanda ko kayo ng sandwich. O sinong may gusto ng fried rice at hot dog?”
“Ako po Mam Dulce. Gusto ko fried rice,’’ sabi ni Mateo.
“Ikaw, Noime.’’
“Fried rice din po Mam.’’
“Okey sige. Ipaghahanda ko kayo ng fried rice. Mabuti ngang kanin ang kainin sa umaga para matibay sa gutom at laging malakas.’’
Naghanda ng fried rice sa dalawang plato si Dulce. Tigalawang hot dog at tig-isang pritong itlog. Pinagtimpla niya ng hot milk. Perpect na almusal.
Idinulot niya sa dalawang bata.
“O sige kain na kayo.’’
Kumain ang dalawa. Halatang gutom na gutom ang dalawa. Walang imikan habang kumakain. Kumakalantog ang plato sa bagsak ng kutsara at tinidor.
Natutuwa naman si Dulce habang pinagmamasdan ang dalawa. Masarap sa pakiramdam na mayroon siyang natulungan at napakain.
Nang maubos ni Mateo ang pagkain niya, excited itong nagtanong sa ipagagawa ni Dulce.
“Mam Dulce, ano po ang ipagagawa mo sa amin?’’
“Magtatanim tayo ng mga gulay sa likod ng bahay. Masarap ang sariwang gulay. Marunong ba kayong magtanim?’’
“Opo Mam. Sanay po kami ni Noime.’’
“Good. Magaan lang naman. Mayroon na akong plot na tatamnan.’’
“Simulan na po natin, Mam.’’
“Sige. Tara na!”
Nagtungo sila sa likod ng bahay.
(Itutuloy)
- Latest