Ang Magkapatid (60)
ANG pagtulong na ginawa ni Ipe kay Karla ay agad na bumalik sa kanya at doble-doble pa.
Isang umaga, kinausap siya ng bossing ng kompanya. Wala sa hinagap ni Ipe na isang magandang balita ang sasabihin sa kanya. Akala niya, mayroon lang itong mahalagang sasabihin na may kinalaman sa kompanya.
“Magreretiro na ako next month, John Phillip,” sabi nito habang nakatayo. Nasa loob sila ng opisina. “At gusto ko, ikaw ang pumalit sa akin.’’
Saglit na hindi nakapagsalita si Ipe. Hindi siya tinatawag na Ipe ng boss. Sa buo niyang pangalan siya tinatawag, kung bakit ay hindi niya alam.
“Nagulat ka ano?’’
“Talaga Sir. Hindi ko inaasahan ito. Para pong napakabilis ng pag-asenso ko.’’
“’Yan ay mabilis talaga sa mga taong nagtatrabaho nang maayos at matiyaga na katulad mo.’’
“Marami pong salamat, Sir. Pero Sir, parang hindi ka pa tipong magre-retired --- bata ka pang tingnan.’’
“Aba at binobola mo pa yata ako.’’
“Hindi Sir. Talagang mukhang wala ka pa sa retirement age.’’
“Meron na.’’
“Hindi halata, Sir.’’
“Sige tama na ang pambobola. Minsan, pumasyal ka nga sa bahay at uminom tayo – shots of whiskey --- umiinom ka ba, John Phillip?’’
“Konti po.’’
“Good.’’
“Kailan po ba Sir?’’
“Ikaw kung kailan mo gusto. Alam mo naman ang bahay ko ano?’’
“Opo.’’
“Sige, basta nasabi ko na sa’yo ang plano ko. Ikaw na ang magiging boss dito.’’
“Salamat po uli.’’
“Malaki ang tiwala ko sa’yo kaya ipinapasa ko sa kamay mo ang responsibilidad. Alam ko, hindi ako nagkamali sa pagpili sa’yo John Phillip.’’
“Salamat po sa pagti-tiwala. Gagampanan ko nang maayos ang binigay mong posisyon. Hindi ka magsisisi Sir.’’
Mahigpit siyang kinamayan ng boss.
(Itutuloy)
- Latest





















