Arellano tatapusin na ang san Sebastian
MANILA, Philippines - Target ng Arellano University na masungkit ang kampeonato sa pakikipagtipan sa San Sebastian College ngayong hapon sa Game 3 ng NCAA Season 92 women’s volleyball finals sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magkukrus ang landas ng Lady Chiefs at Lady Stags sa alas-3:30.
Hawak ng Arellano ang 2-0 bentahe sa serye kung saan isang panalo na lamang ang kinakailangan nito upang mabawi ang korona.
Nasungkit ng Lady Chiefs ang unang korona nito noong 2014 subalit nakawala ito noong 2015 matapos yumuko sa College of Saint Benilde sa semifinals.
Mataas ang moral ng Arellano na galing sa 25-18, 25-20, 25-16 pananaig sa Game 1 at 18-25, 25-16, 25-11, 26-28, 15-13 desisyon sa Game 2 upang wasakin ang thrice-to-beat advantage ng San Sebastian.
Aasahan ng Arellano sina open hitters Jovielyn Prado at Rialen Sante habang matikas din ang kontribusyon nina middle blockers Andrea Marzan at Mary Anne Esguerra kasama si setter Rhea Ramirez.
Nakahanda rin ang Lady Chiefs sa matinding puwersang ilalatag ng Lady Stags.
“Alam namin na hindi basta-basta bibigay ang San Sebastian kaya walang space na maging kampante kami. We’ll do our best para makuha namin ito. Kailangan lang na naka-focus kami,” wika ni Arellano mentor Obet Javier.
Tiyak na ibubuhos na ng Lady Stags ang lahat upang maipuwersa ang rubber match at maiwasang maulit ang nangyari noong nakaraang taon kung saan armado rin ito ng thrice-to-beat subalit yumuko sa Lady Blazers sa finals.
Pagtutuunan din ng pansin ng Lady Stags ang malimitahan ang errors matapos magtala ng 51 sa Game 2.
Sa juniors, nais din ng University of Perpetual Help System Dalta na tapusin na ang serye sa pagsambulat ng Game 3 ng finals laban sa Lyceum of the Philippines.
Nakuha ng Junior Altas ang 2-0 bentahe nang kubrahin nito ang 25-21, 25-18, 25-22 panalo sa Game 1 at 25-16, 23-25, 19-25, 25-18, 15-10 pananaig sa Game 2.
- Latest
























