Netizens, dismayado kay Poe
MANILA, Philippines - Ilang beses sumablay si Senador Grace Poe sa pangalawang debate ng Comelec na ginanap sa University of the Philippines Cebu.
Simula pa lamang ay binakbakan na ni Poe si Vice President Jejomar Binay tungkol sa mga alegasyon ng katiwalian at tagong yaman nito at ng kanyang pamilya, na nag-set ng tono ng takbo ng debate. Sinagot ni Poe ang tanong sa kanyang citizenship sa pagsabing mas mabuting mag-ibang bansa kaysa manatili dito at pagnakawan ang taong bayan.
Ngunit nawala ang momentum ni Poe nung natisod ito ng ilang maling argumento sa debate. Una, dineny ni Poe na vice-chairman siya ng Agriculture Committee ng Senado ngunit lumutang ang kanyang pirma bilang vice chair sa isang report ng komite. Naging isyu ito pagkatapos ibunyag na hindi kumilos ang komite upang ipasa ang batas na magbibigay ng ayuda sa mga magniniyog mula sa coco levy fund, na nakikitang labag sa interes ni Danding Cojuangco, isa sa mga backer ni Poe.
Pangalawa ang naging palitan sa gitna ni Poe at Liberal Party standard bearer Mar Roxas, kung saan isinisi ni Poe kay Roxas ang mabagal na galaw ng PDEA laban sa droga. Sinabi ni Roxas na wala sa ilalim ng DILG ang PDEA kundi sa Office of the President.
Ibinida rin ni Poe ang plano niyang ituloy ang pangatlong Mactan bridge sa Cebu, isang tangkang manligaw ng boto mula sa mga Cebuano. Ngunit lumabas rin na naaprubahan na ng administrasyong Aquino ang proyekto noong Enero 2016, sa ilalim ng public-private partnership program.
“Novato” o “bagita” ang naibansag kay Poe ng beteranong journalist na si Philip Lustre Jr. dahil sa kanyang mga pagkakamali. “She was, plain and simple, a political novice,” sabi ni Lustre sa kanyang Facebook page. “Mahaba sa ambisyon pero maikli sa tamang facts,” diin niya. May tawag daw ang mga Kastila sa ganitong estilo ng politiko: “novato” kaya’t imbes na mapansin daw ito dahil sa galing ay napansin dahil tila hindi ito nag-aral ng kanyang leksyon.
- Latest



















