Apoy sa Balsa (37)
“HOY, tingnan mo ’yung nagluluto, ang guwapo!” bulong ng isang babae sa kaniyang kasama.
Palihim na inilabas ng isa sa mga customer ni Kael ang kanilang cellphone at sinimulang videohan siya habang nagtatrabaho. Napansin ni Kael ang camera kaya bahagya siyang nahiya. Habang inaabot ang mga burger sa kanila, binigyan niya ang mga ito ng isang tipid, tapat, at napakaguwapong ngiti.
“Ito na po ’yung order niyo. Thank you,” malambing nitong sabi.
Kinilig ang grupo, nagpasalamat, at umalis. Bago matulog, ipinost ng babae ang video sa TikTok na may caption na: “Hunky Burger Seller sa Maynila! Pa-order po ng may kasamang pag-ibig! #HunkyBurgerSeller #Viral #Fyp”
Hindi na ito pinansin ni Kael at tinapos ang kanyang shift nang puyat at pagod na pagod.
Kinaumagahan sa ahensiya, sinalubong si Rhea ng isang hindi maintindihang ingay. Pagpasok pa lang niya sa creative floor, nakita niyang nagkakagulo ang mga empleyado sa tapat ng desk ng mga copywriter. Nagtatawanan at nagtitilian ang mga ito.
Hindi pa man nailalagay ni Rhea ang bag sa mesa, patakbong lumapit sa kanya si Tintin, hawak-hawak ang cell phone at tila halos maihi sa excitement.
“Ms. Rhea! Ms. Rhea! Oh my God, tignan mo ’to!” sigaw ni Tintin habang ipinipilit ang screen ng phone sa mukha ng kanyang supervisor.
“Ano ba ’yan, Tintin? Maaga pa—” naputol ang sasabihin ni Rhea nang mapatingin siya sa screen.
Isang video ang nagpi-play. Lalaking may hawak na sandok, nakatayo sa isang mausok na burger stall, at ngumingiti nang napakatamis sa camera. Ang view count sa ibaba ng screen ay mabilis na umaakyat sa 2.5 million views, at patuloy pa sa paglobo sa loob lang ng ilang oras.
Nalaglag ang panga ni Rhea nang tingnan mabuti ang mukha ng lalaki sa video. Si Kael ito at nagulat siya na may pangalawang trabaho ito bilang burger stall employee. Ang hashtag sa itaas ng screen ay malinaw na nagbabaga: #HunkyBurgerSeller.
“’Di ba messenger natin ito?” tanong ni Tintin sa kanya.
Sa isang iglap, ang tahimik na messenger na kanyang itinatago sa dilim ay tuluyan nang makikilala ng buong mundo.
(Itutuloy)
- Latest
















