Apoy sa Balsa (28)
Nakahinga nang maluwag si Rhea matapos marinig ang mga words of wisdom ng kanyang secretary na si Amanda. Isang tipid ngunit totoong ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi sa unang pagkakataon. “Salamat, Amanda.”
“Walang anuman, Ma’am. I-text niyo na po siya,” pagtatapos ni Amanda bago bumalik sa kanyang lamesa.
Nang muling hawakan ni Rhea ang kaniyang phone, hindi na kaba ang nararamdaman niya, kundi isang malinaw na determinasyon. Ang pader na kinatatakutan ni Kael ay hindi na isang hadlang, ito ay isang pader na handa na niyang tibagin. Sinubukan niya itong tawagan ngunit hindi sumasagot.
Halos patakbong bumaba si Rhea sa basement parking, bitbit ang lakas ng loob mula kay Amanda. Ramdam niya ang mabilis na tibok ng kanyang puso habang bumubukas ang pinto ng elevator. Ngunit pagdating niya sa madilim at malamig na sulok kung saan madalas nakaparada ang motorsiklo ni Kael, tanging bakanteng semento na lang ang kanyang nadatnan. Wala na ang motor. Wala na ang binata.
“Si Kael po ba hinahanap niyo, Mam?” tanong ng isang panggabing guwardiya na nakakita sa kanyang pag-aalinlangan. “Kanina pa po umuwi. Mukhang nagmamadali.”
Isang matinding panghihinayang ang lumukob kay Rhea, ngunit hindi niya hahayaang matapos ang gabi nang hindi sila nag-uusap. Naalala niya ang address na nakasulat sa file nito bilang regular messenger. Hindi na siya nag-isip. Lumabas siya ng gusali at agad na nag-book ng sasakyan patungo sa luma at masikip na bahagi ng siyudad.
Nang makarating siya, sinalubong siya ng magulong ingay ng kalsada, busina ng mga tricycle, mga batang nagtatakbuhan, at amoy ng usok at pritong ulam mula sa mga karinderya. Suot pa rin ang kanyang pormal na blazer at office heels, mistulang dayuhan si Rhea habang tinutunton ang isang lumang tatlong-palapag na boarding house.
Medyo madilim ang makipot na hagdanang kahoy. Habang umaakyat si Rhea patungo sa ikatlong palapag, kailangan niyang dumaan sa mga communal hallway kung saan nagtitipon ang mga nangungupahan, mga kapwa rider, college student, at mga factory workers. Ang iba ay walang pang-itaas na damit dahil sa tindi ng init ng gabi, habang ang iba naman ay nag-iinuman o naglalaro sa kanilang mga cellphone.
Nang makita ng mga lalaki ang isang maganda at eleganteng babaing naka-corporate attire na umaakyat sa kanilang teritoryo, biglang nabulabog ang buong koridor. Napatigil ang tawanan at napalitan ito nang malalakas na kantiyaw, sipol, at hiyawan.
(Itutuloy)
- Latest


















