Kaibigan (202)
“SA totoo lang, pinakaba mo ako Lara. Ang akala ko may masamang nangyari na sa iyo,’’ sabi ni Dex habang nakatunghay sa magandang mukha ni Lara.
“Hindi mo malimutan ang nangyari kanina ha?’’
“Oo. Talagang kinabahan ako. Sino ang hindi kakabahan na bukas ang pinto nitong room mo tapos ay sarado ang ilaw? Iisipin mo talaga na may nangyari sa loob. Tapos tinatawag kita e wala namang sumasagot. Mag-iisip ka talaga nang wala sa ayos.’’
“Mabuti at hindi ka nainip? Buti at nagtiyaga kang maghintay?’’
“Oo. Ikaw kasi ang inaalala ko na baka may nakapasok na magnanakaw at hostage ka.”
“Sobra ka naman. Wala namang nangho-hostage dito sa Saudi.’’
“Aba huwag kang kasisiguro. Posibleng mayroon din dito na gumawa ng ganun.’’
“E kung halimbawa ganun nga ang nangyari anong gagawin mo?’’
“E di ililigtas kita!”
“Wow!’’
“Siyempre hindi kita matitiis kahit na nga gusto mo akong parusahan.’’
“Wow kinukonsensiya ako.’’
“Pero talagang parurusahan mo ako?’’
“Hindi! Drama ko lang ‘yun. Ba’t naman kita parurusahan?’’
“E ikaw ang nagsabi di ba? Sabi mo pumunta ako rito ng 12:00 midnight at sasabihin mo ang parusang igagawad sa akin.’’
“Drama ko nga lang ‘yun. Mapaparusahan ba naman kita? Nasaan ang konsensiya ko kung gagawin ko ‘yun?’’
“Seryosong-seryoso ka kasi nang sabihin ‘yun. Hindi nga ako nakatulog sa kaiisip nang sabihin mo ‘yun.’’
“Owws talaga?’’
“Oo.’’
“E di ako pala dapat ang parusahan mo—para pala kitang tinortyur.’’
“Makakaya ba naman kitang parusahan. Ang ganda mong ‘yan, parurusahan kita.’’
Kinurot ni Lara sa tagiliran si Dex. Napaiktad si Dex.
Tawa nang tawa si Lara.
ANG mga sumunod na araw ay walang kasingsaya kina Dex at Lara.
“Ano ang plano mo ngayon sa ating dalawa Dex?’’
“Aba siyempre naman magpapakasal tayo.’’
“Dito sa Riyadh?’’
“Pag-uwi natin sa Pinas.’’
Hindi maipaliwanag ang lumarawang tuwa sa mga mata ni Lara sa sinabi ni Dex.
(Itutuloy)
- Latest