Exclusive motorcycle lane sa EDSA pinalagan nina Poe, Binay
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng ilang senador nitong Lunes ang mga panukalang paglalagay ng eksklusibong motorcycle lane sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Sen. Grace Poe, mauunawaan naman ang intensiyon na paluwagin ang EDSA pero kuwestyunable kung saan ilalagay ang eksklusibong lane para sa mga motorsiklo dahil limitado na ang daan.
Sinabi ni Poe na ilang eksperimento na ang isinagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) hindi lamang sa EDSA kundi sa Commonwealth Avenue at dapat ikonsidera ng Department of Transportation (DOTr) ang resulta ng mga nasabing eksperimento.
Para naman kay Sen. Nancy Binay, isang band aid solution ang paglalagay ng motorcycle-dedicated lane para tugunan ang problema sa trapiko.
“The reason why such alternative rides exist is because our public infrastructures fail to address urban mobility challenges--puro palliative at short-term palagi. Kaya, huwag po sana tayong mag-dwell sa mga polisiya na maglilihis sa mass transit solutions,” ani Binay.
Sa halip, pinayuhan ni Binay ang DOTr na ituon ang kanilang pagsisikap sa pagbuo ng ligtas, komportable, at matatag na mass transportation.
Naniniwala si Binay na dapat ma-maximize muna ang paggamit ng MRT at bus lanes bago ang “single passenger alternative.”
Idinagdag naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na dati nang ipinatupad ang eksklusibong lane para sa mga motorsiklo na hindi rin naman naging solusyon sa trapiko.
Dapat aniyang gawin muna ito sa pamamagitan ng “artificial intelligence simulators” sa halip na ipatupad agad bilang isang eksperimento o guinea pig.
- Latest