Monay (55)
Nagulat si Joem nang mabasa sa broadsheet ang byline ni Trishia Jovellano. Naging mamamahayag pala ang classmate niyang si Trishia. Nang huli silang magkita ni Trishia ay noong malapit na silang magtapos ng kolehiyo. Nagkita sila sa Jollibee at inilibre pa siya. Sabi ni Trishia, gusto niyang maging TV reporter kaya Masscom ang kinuhang kurso.
Bakit kaya nasa diyaryo siya ngayon?
Baka mas malaki ang pasahod sa diyaryo kaysa sa TV?
Biglang naisip ni Joem, nagkaroon na kaya ng komunikasyon si Trishia at Monay. Sinabi niya noon kay Trishia na in-case magkausap sila ni Monay, ikumusta siya at ipaabot ang paghingi ng sorry. Hindi niya malimutan na kaya pala hindi siya pinansin ni Monay noong graduation nila ng high school ay dahil nabuking ng mama nito na kaya nagdadala ng monay ay para ibigay sa kanya. Akala ng mama ni Monay ay “mag-ano” o magsiyota sila ni Monay.
Hinanap ni Joem ang number ng telepono ng newspaper na pinagtatrabahuhan ni Trishia. Kukumustahin niya ito.
Nakontak agad niya si Trishia.
“Joem, kumusta? Alam mo talagang hinahanap na kita noon pa. Kaya lang hindi ko alam kung saan ka kokontakin. Nalimutan ko naman kung saan ka nakatira.”
“Bakit Trishia? Dahil ba kay Monay?’’
“Hindi. Balak kong isulat ang story mo sa Lifestyle Section ng newspaper namin. Natatandaan mo ang sinabi ko noon na kapag nagtrabaho ako sa diyaryo isusulat ko ang makulay na buhay mo. Mula sa pagiging fishball vendor ay nakatapos ng kolehiyo. At siguro, maganda na ang job mo ngayon ano?’’
“Oo, Trishia.’’
“Isusulat kita, puwede?’’
“Sure. Pero may balita ka ba kay Monay? Nagkausap na ba kayo?’’
(Itutuloy)
- Latest