Alupihan (150)
Kinabukasan, umagang-umaga pa lang ay nag-inspection na agad si Cris sa likod ng bahay na posibleng pagdaanan ng magnanakaw na kinutsaba ni Diana. Malakas ang kutob niya na sa likod dadaan ang magnanakaw. Sa kanyang mga nababasang estilo ng mga akyat bahay, karaniwang sa likod nagdadaan ang mga ito. Umaakyat sa pader at saka lalagariin ang grills ng bintana para makapasok sa bahay. Sanay na sanay ang mga ito kaya wala pang limang minuto ay nasa loob na ng bahay at limas ang mga mamahaling gamit, alahas, pera at mga mahahalagang bagay gaya ng cell phone.
Nang nasa likod ng bahay na si Cris, masusi niyang ininspeksiyon kung may mga bakas doon.
Wala naman siyang nakita.
Tiningnan niya kung may pagtatangkang lagariin ang iron grills sa bintana. Wala naman siyang nakita.
Wala rin siyang nakitang mga bakas ng sapatos o paa kaya sa may malapit sa punong mangga. Sa ilalim ng puno ay may dalawang upuan na madalas niyang gamitin kapag gusto niyang sumagap ng hangin. Ganun pa rin ang posisyon ng mga upuan. Walang pagbabago.
Mukhang totoo ang sinabi ni Hani kagabi na hindi pa sasalakay ang magnanakaw na kakutsaba ni Diana. Maari raw na pinag-aaralan pa nito ang mga pagdadaanan para makapasok sa bahay.
Nang walang maki-tang bakas o palatandaan si Cris sa likod ng bahay, nagbalik na siya sa kanyang opisina.
Mamaya kapag wala na ang boarders niya, sa second floor naman siya mag-iinspeksiyon. Baka naman doon magdadaan ang magnanakaw.
Pero hindi na niya nagawa ang balak sapagkat bago mag-alas nuwebe ng umaga, kumatok sa kanyang opisina si Diana.
Binuksan niya ang pinto. Nakita niyang may hilang maleta si Diana.
“Kuya aalis ako. Uuwi ako ng probinsiya. Emergency lang.’’
Hindi agad nakapag-salita si Cris.
Nakatingin lang siya kay Diana.
Hindi niya alam ang sasabihin dito.
(Itutuloy)
- Latest