Beermen winasak ang Dyip, swak sa semis
MANILA, Philippines — Nang kumawala ang No, 1 San Miguel sa third quarter ay hindi na nakahabol ang No. 8 Terrafirma.
Kumolekta si seven-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 25 points at 22 rebounds para sa 110-91 pagpapatalsik ng Beermen sa Dyip sa kanilang quarterfinals ‘do-or-die’ game patungo sa semifinal round ng Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nagdagdag si Terrence Romeo ng 19 markers para sa pagbangon ng San Miguel, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, mula sa 95-106 kabiguan sa Terrafirma noong Sabado.
“Iyong biggest part was the matchups, so big boy (Fajardo) here will not have a hard time,” sabi ni coach Jorge Gallent. “Plus, iyong guards, rotating on Juami (Tiongson) and (Stephen) Holt. So iyon lang ang ginawa naming adjustments.”
Isang 18-4 bomba ang inihulog ng Beermen sa pagbubukas ng third period para iposte ang 63-48 bentahe sa 6:28 minuto mula sa 45-44 halftime lead.
Tuluyan nang nabaon ang Dyip sa 94-76 sa 5:47 minuto ng fourth quarter galing sa layup ni Jericho Cruz.
Ang triple ni Don Trollano ang nagbigay sa San Miguel ng 21-point lead, 110-89, sa natitirang 25 segundo ng laro para selyuhan ang panalo sa Terrafirma.
Tumapos sina Trollano at CJ Perez na may tig-18 points para sa Beermen habang may 11 markers si Cruz.
Kumabig si Javi Gomez de Liaño ng 23 points sa panig ng Terrafirma kasunod ang tig-18 markers nina Tiongson at Holt at 11 points ni Andreas Cahilig.
- Latest