‘Missing Beauty Queen’ sisiyasatin ng Senado
MANILA, Philippines — Isang resolusyon ang inihain ni Senador Raffy Tulfo para siyasatin ang pagkawala ng local beauty queen ng Tuy, Batangas na si Catherine Camilon.
Sa Senate Resolution 913 na inihain ni Tulfo, binanggit nito na kapuna-puna na tumataas ang kasong kinakasangkutam ng mga pulis sa mga karumal-dumal na krimen sa mga nakaraang buwan.
“The involvement of police officers in heinous crimes [has] been increasing in the past months and there is a need to review the screening process of police officers as well as the retention of officers in active duty,” ani Tulfo.
Pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon si dating Police Major Allan de Castro, na sinibak na sa serbisyo nitong nakaraang buwan.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may relasyon sina Camilon at De Castro.
Napaulat na ang pakikipagrelasyon ni De Castro kay Camilon kahit may pamilya na ang una ang dahilan kaya sinibak ito sa serbisyo.
Itinanggi ni De Castro na may kinalaman siya sa pagkawala ni Camilon bagaman at inamin ang kanilang relasyon.
Huling nakita si Camilon sa isang mall sa Batangas noong Oktubre 12, 2023.
Sinabi ni Tulfo, nais din niyang maimbestigahan ang pangyayari sa pagkawala ni Camilon upang mabilis na makamit ng pamilya nito ang hustisya.
- Latest















