3 rainwater impounding itatayo sa Maynila
MANILA, Philippines — Tatlong Rainwater Impounding Facilities (RIFs) ang itatayo sa Maynila bilang bahagi ng pagtutulungan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan upang mabawasan ang pagbaha sa ilang lugar sa lungsod.
Sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MOA) ng MMDA at Lungsod ng Maynila, target na matapos ang mga proyekto pagsapit ng Hunyo 30, 2027, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tapusin ang mga flood management project bago ang susunod na tag-ulan.
Itatayo ang mga RIF sa Rajah Sulayman Park, Remedios Circle at ASEAN Garden sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex, malapit sa Vito Cruz Drainage Main Outfall. Natukoy ang mga lugar matapos ang isinagawang technical studies ng Haskoning, partikular sa mga lugar na madalas bahain.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layunin ng proyekto na pagpapagaan ang problema sa pagbaha sa ilang bahagi ng Maynila. Kabilang sa mga pasilidad ang underground storage para sa sobrang tubig-ulan, drainage improvements at nature-based solutions.
Nagpasalamat naman si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa MMDA sa mga ipinanukalang solusyon. Maaari ring ikonekta ang mga RIF sa water concessionaires upang magamit ang nakolektang tubig-ulan sa iba pang angkop na layunin bilang bahagi ng water conservation efforts.
- Latest





















