Yasmien, naranasang itaboy sa mall!

Dalawampu’t dalawang taon na ang nakalilipas nang sumali si Yasmien Kurdi sa StarStruck Season 1.
Bata pa lamang daw ay gusto na talagang mag-artista ni Yasmien kaya napasabak sa naturang talent reality competition. “Gusto ko talagang maging artista, totoo ‘yon. Pangarap kong maging artista, gusto kong sumikat. Gusto kong umarte, gusto kong maging star, ‘yon talaga ‘yon,” nakangiting bungad sa amin ni Yasmien sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sina Jennylyn Mercado at Mark Herras ang itinanghal na Ultimate Female and Male Survivor noon. Si Yasmien naman ang naging 1st Runner Up ni Jennylyn sa naturang season ng StarStruck. “Ako dismayado ako, feeling ko nadaya ako. Hindi, joke lang ha-ha-ha! I’m happy for Jennylyn. Masaya ako na siya ang Ultimate Survivor. Sasabihin ko lang, sa mga fans ni Jennylyn, okay lang ‘yon ah. Hindi naman feeling ko nadaya ako. It’s okay,” masayang pahayag ng aktres.
Noong nagtapos ang kumpetisyon ay sumama raw ang pakiramdam ni Yasmien. May bulung-bulungan pa na posibleng lumipat ang dalaga sa ABS-CBN dahil sa hindi pagkapanalo sa StarStruck noon. “The very next day, sa sobrang sama ng loob ko, nag-LBM ako. As in hindi ako nakapunta sa guesting namin ng SIS. Akala pa ng GMA no’n, lumipat daw ako. Kung anu-ano nang tsismis, nakalagay sa tabloid na lumipat na si Yasmien. Wala raw utang na loob, gano’n. Sabi ko, Hindi totoo, as in ang sama lang ng loob ko na nag-e-LBM ako,” kwento niya.
Ayon kay Yasmien ay ang kapwa-1st Runner Up na si Rainier Castillo ang kauna-unahang lalaking nakahalik sa kanya noon. Agad daw na napaiyak si Rainier nang matapos kunan ang isang kissing scene sa kanilang ginawang pelikula. “Si Rainier po ‘yung first kiss ko. As in talagang si Direk Louie (Ignacio) ‘yon, tapos ‘di ko alam na talagang first kiss ‘yon. Tapos umiyak siya, so nagtataka ako, after ng scene namin umiiyak na siya. Sabi ko bakit kaya siya umiiyak? Ano ba ang nangyari?” natatawang kwento ng Kapuso actress.
Hinding-hindi raw makalilimutan ng aktres ang mga panahong nagtatanghal sila sa mga mall show noon. Nagkakaroon umano ng gulo at pagkasira ng mga gamit sa mall dahil sa pagdumog ng mga tao. “Pinalayas na kami ng mall, ayaw na kaming mag-perform do’n. Tapos ‘yung mga van namin inaakyat, as in pwede nang baligtarin ‘yung van. Hinahabol kami sa mall, ang saya-saya no’n, Tito Boy,” pagbabahagi ni Yasmien.
Aminado si Yasmien na talagang malaki ang ipinagbago ng kanyang buhay mula nang sumabak sa show business. “Maraming naibigay sa akin ng showbiz. Binago niya ‘yung buong buhay ko. Kasi dati wala naman kami. Nag-join din kasi ako sa StarStruck dahil wala kaming money. Wala akong pang-tuition fee. So napaaral ako ng showbiz,” pagtatapat ng Kapuso actress.
Napagsasabay ni Yasmien ngayon ang pag-aaral at pagtatrabaho. Nasa isang law school ngayon ang aktres at posibleng hindi talikuran ang show business kahit maging isang ganap na abogabo. “Hindi ko pa po alam, Tito Boy, pero mahal ko po kasi ang showbiz,” pagtatapos ni Yasmien. (Reports from JCC)
- Latest





















