Richard at Gerald, magsusukatan ng lakas

Nakatakda nang ipalabas sa primetime ang inaabangang action-drama series ng ABS-CBN na Blood vs Duty tampok sina Richard Gutierrez, Bela Padilla, at Gerald Anderson sa Abril 6 (Lunes).
Inilabas na ang full trailer nito noong Martes (Marso 24), bilang pasilip sa dapat abangan sa ABS-CBN sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live. Bago ang broadcast premiere nito, una itong mapapanood sa Netflix simula Abril 3 (Biyernes) at iWant simula Abril 4 (Sabado).
Naghatid ng todo-todong excitement sa mga netizen ang trailer dahil sa sariwang kwento at matinding aksyon na hatid nito at magaling na pagganap ng mga karakter.
Ipinakilala rito sina Richard at Bela na bahagi ng isang government agency na may misyong kalabanin ang mga nagdadala ng ilegal na mga baril sa bansa at puksain ang mga krimen na hatid nito.
Ipinasilip din si Gerald, na kabilang sa isang komunidad na tila haharap sa isang matinding pag-atake mula sa gobyerno.
Kasama rin nina Richard, Bela, at Gerald sa serye sina Baron Geisler at Barbie Imperial. Binigyan din ng spotlight ng trailer ang veteran actor na si Jaime Fabregas.
- Latest




















