Gladys, umiiksi rin ang pasensiya!

Noong Sabado ay nagwakas na ang Cruz Vs. Cruz na pinagbidahan nina Vina Morales at Gladys Reyes. Masayang-masaya si Gladys dahil naging matagumpay ang kanilang serye sa loob ng halos isang taon.
“Siyempre po overwhelming feeling and puro gratefulness po. Nabigyan ka ng ganitong oportunidad na bibihirang pagkakataon. Siyempre magbida, magbida-kontrabida sa isang teleserye, ang dami mong eksena at mabibigat ‘yung mga eksena. So iba ‘yung fulfillment kapag nakita mong nagawa mo nang tama ‘yung mga eksena,” nakangiting pahayag sa amin ni Gladys sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sa tunay na buhay sa mababaw umano ang luha ng aktres. Kaya mas naging madali para kay Gladys na gumawa ng mga eksenang umiiyak.
“Sa totoong buhay talaga mas mababaw ang luha ko talaga. Manonood ako ng movie, nakakaiyak. Dati naalala ko kami ni Juday (Judy Ann Santos), nanonood kaming movie nasa Guam kami, Armageddon yata ‘yung pinanood namin. So iyak na iyak na ako, pagtingin ko sa kanya, walang karea-reaksyon. Mas mababaw po ang luha ko in real life. Minsan nanonood ka ng video, nagso-scroll ka sa IG, naiiyak na ako,” natatawang kwento ng dating child actress.
Madalas din na nagagalit si Gladys sa mga eksena sa nagtapos na serye. Nararanasan din kaya ng aktres ito sa totoong buhay?
“Tao lang din ako, minsan naman talaga umiiksi ‘yung pasensya ko. Siyempre ayaw kong magpakaplastik, baka nanonood ‘yung mga tinamaan ko, ‘yung mga nahagupit ko, ‘di ba? Pero siyempre definitely, minsan gusto mo talaga habaan ‘yung pasensya mo, may mga days talaga na ‘Huwag ako ah,’” pagtatapat niya.
Samantala, mayroon umanong nadiskubre ang Kapuso actress sa nakatrabahong si Neil Sese.
“Tsismoso pa ‘to! Ha-ha-ha! Sa tent siyempre ako ‘yung bangka, interesado sila ni Gary (Estrada, na makinig). Sa totoong buhay, malumanay pala siya din. Ibang-ba siya, hindi siya ‘yung high blood na Manuel. Masaya kasi napapanood ko siya kontrabida siya lagi. No’ng unang meeting namin, no’ng nag-storycon, sabi ko talaga sa kanya, ‘Nabubwisit ako sa ‘yo sa Pulang Araw.’ Imagine, nagkokontrabida na ako niyan, nabubuwisit pa ako sa kanya niyan. At higit sa lahat mahusay na artista,” pagbabahagi ng aktres.
Para kay Gladys ay isang pamilya ang nabuo dahil sa naturang serye. Ayon sa aktres ay talagang nagdadamayan sila sa set lalo na kapag mayroong katrabahong may pinagdaraanan sa buhay.
“Gano’n kami, Tito Boy, kapag alam namin na may pinagdadaanan ang isa sa cast. Para na talagang pamilya, minsan wala nang salita, iha-hug namin,” paglalahad ng Kapuso actress. (Reports from JCC)
- Latest




















