Coco, pinaiyak si Pen Medina!

Ilang beses napaiyak si Pen Medina sa opening ng kanyang art exhibit na pinamagatang Paikot-ikot Lang na ginanap sa Gateway Gallery na matatagpuan sa 5th floor ng Gateway Mall sa Cubao.
Binuksan ito noong Sabado, na dinaluhan ni Coco Martin, na sobra niyang ikinatuwa.
Napapatigil siya sa pagsasalita dahil parang may bumabara sa lalamunan niya habang nagsasalita at ipinakilala niya ang special guest niyang nag-cut ng ribbon sa opening nito. “Isa sa mga pinakaimportanteng tao sa buhay ko,” natawa niyang pakli.
Hinding-hindi raw niya makakalimutan na si Coco ang isa sa tumulong sa kanya nung nagkasakit siya at na-hospitalize. “Noong panahon na parang medyo wala na… tinulungan ako at paglabas ko ng ospital, tuloy pa rin ang tulong.
“Napakaraming dahilan para makapagpinta ako nang walang inaalala para sa pamilya. Ayun!
“Ang pinakamamahal naming Batang Quiapo! Coco Martin,” pakilala niya sa Kapamilya Primetime King.
Nagbigay ng mensahe si Coco para kay Pen na isa sa hinahangaan niyang veteran actors.
Ibinahagi niyang nae-expose na siya sa veteran stars dahil sa hilig ng lola niya sa panonood ng sine, at isinasama raw siya. “Nung bata pa lang po ako namulat na ako sa panonood ng pelikula dahil ang lola ko ay isang fan ni FPJ at ni Nora Aunor. Kaya lahat po ng mga pelikula nila, napapanood ko. Kahit gusto kong manood ng cartoons, wala akong choice kundi manood ng pelikula ng mga veteran actor at ng magagandang pelikula, golden days ng movie industry.
“Kaya po, nung nagsisimula ako at hindi ko naman akalain na mapapasok ko itong industriyang ito, ang magiging trabaho ko.
“Nung nakasama ko sina Tito Pen, si Ping (Medina) at marami pang taong tumulong sa akin, sabi ko sa sarili ko, hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat na mga tao na gumabay, umakay at tumulong sa akin nung nagsisimula pa lang ako.
“Kaya kinukuha ko po palagi nga veteran actors, kasi po sila po ang inspirasyon ko. Sila po ang isa sa mga tao at naging daan kung saan man ako ngayon,” mahabang pahayag ni Coco.
Naging malapit si Coco sa pamilya ni Pen Medina, at naikuwento pa niya ang pagsuporta niya sa negosyo ni Ping Medina noong pandemic. “Share ko lang. Nung dumating ‘yung time nung pandemic. ‘Di ba halos lahat walang trabaho? Tapos na-inspire ako kay Kuya Ping kasi nakita ko siya nag-post sa IG na nagbebenta siya ng sausage. Nagulat siya na pumunta ako sa kanya.
“Hindi niya alam na ako ‘yun kasi naka-mask po ako nu’n e. Nagtitinda siya, seryoso. Sabi ko, ‘masarap ba ‘yan?’
“Oo. Okay naman ganun-ganun. Sabi ko anong flavor? As in nagkukuwentuhan kami, hindi niya alam na ako ‘yung bumibili.
“Hanggang nung natapos na, nung naluto niya ang lahat na in-order ko, saka lang ako nagtanggal ng mask para magpakilala sa kanya. Naramdaman ko ‘yung tuwa,” natatawa niyang kuwento.
“Kasi sabi ko ngang ganun, tayo, tayong mga Pilipino… kami, sa industriya namin, kapag ang tao may pinagdaraanan, whatever it is, dun mo maramdaman at ma-appreciate ang isang tao kapag nandun ka sa isang bagay na alam mong may pinagdadaanan o nasa ilalim ka.
“Kaya ngayon, sa pagkakataong ito, kung may maliit akong pagkakataon na makatulong o makapagbigay ng oras, at tayo makapagkuwentuhan o maging parte ng buhay niya, ginagawan at ginagawan ko po ng paraan para kahit papano po makapagbigay ulit ako ng pasasalamat at maipakita ko ang paraan ko at maparamdam kung gaano ko sila kamahal,” dagdag niyang pahayag.
Nagpahayag siya ng suporta sa pagpipinta ni Pen Medina.
“Sa ngayon po, sa panibagong mundo na pinasok ni Tito Pen sa industriya ng pagpipinta, at sa marami pa pong mga artists sa buong Pilipinas, gusto ko pong sabihin na napakagaling nating lahat. Hindi lang sa pag-arte, hindi lang sa pagpinta, hindi lang sa pag-sculpture at sa kung saan-saan pa. Gusto ko pong sabihin na napakagaling ng lahat ng mga Pilipino.
“Sana po matulungan tayo ng ating gobyerno na masuportahan ang lahat ng mga artists sa buong Pilipinas,” saad ni Coco Martin.
Magiliw na nakisalamuha si Coco sa mga entertainment press na dumalo roon sa opening ng art exhibit ni Pen Medina at wala nang nangahas na magtanong tungkol sa paghihiwalay nila ng long-time manager niyang si Biboy Arboleda.
FAP, ilalabas na ang panlaban ng ‘Pinas sa Oscars
Ngayong araw na pala ia-announce ng Film Academy of the Philippines ang pelikulang magiging official entry ng ating bansa sa Best Foreign Language Film category sa Oscars.
Isasabay ito sa opening ng Philippine Film Industry Month na gaganapin sa Shangri-La Plaza.
Naglabas ng press release ang GMA Pictures na posibleng ang pelikulang Green Bones ang pipiliing isali sa Oscars, pero ang ilan sa malakas na pwedeng mapili ay ang Sunshine ni Maris Racal at ang Magellan na obra ni direk Lav Diaz.
Naipalabas na sa mga sinehan ang Sunshine, at maganda ang feedback sa pelikulang ito.
Ang Magellan naman ay pinuri sa nakaraang Cannes International Film Festival.
Nakatakda na ring ipalabas ito sa Ayala Malls cinemas sa Sept. 10.
Pinu-push din ng KathDen fans na sana mapili ang Hello, Love, Again.
- Latest



















