MIFF, sinusulot na!

Ngayong araw na ang gala night at awarding ng kauna-unahang Manila International Film Festival.
Sold out na raw ang tickets ng gala night na nagkakahalaga ng 275 US dollars.
Mahal ‘yun, pero talagang sinuportahan ng mga kababayan natin doon sa Amerika.
Gagawaran doon ng Lifetime Achievement Award si Hilda Koronel na dinig ko ay inaalok nang gumawa uli ng pelikula dito.
Masaya ang organizers sa mainit na pagtanggap sa MIFF. At gusto pa rin talaga ng mga kababayan natin doon ang mga dati pa nilang iniidolo na sina Vilma Santos at Christopher de Leon, kaya ang lakas daw ng When I Met You In Tokyo.
Nagdagdag pa ng screening time para ma-accommodate ang mga gusto pang manood.
Sa 3rd day ay nagkaroon ng Talk Back ang When I Met You In Tokyo at ang Becky and Badette. Biglang nagkaroon ng instant participation si Vilma Santos sa Talk Back.
Nag-video call sa kanya si Bunny Paras na host doon katabi si Boyet de Leon.
Nandun din ang ate ni Papa Bo na si Pinky de Leon para sumuporta sa kanila.
Dumating na rin doon sa LA si Alden Richards para entry nila ni Sharon Cuneta na Family Of Two (A Mother and Son Story). Kahapon ang kanilang Talk Back session.
May ilang pelikulang ‘di gaanong tinao, pero suma tutal ay successful ang first MIFF.
Pero may mga ilang negatibong obserbasyon sa sistema ng organizers.
Ka-cheapan daw ang hotel na ibinigay na accommodation. Pero ang sabi naman mula sa kampo ng organizers, ‘yung kinuha raw kasi nilang hotel ay katabi lang ng TCL Theatre na pinagdausan ng event. Puwede nang lakarin mula sa hotel.
May ilang nagkakainteres na hawakan ang MIFF sa susunod na taon.
Hindi pa rin talaga nawawala ang crab mentality sa mga kababayan natin sa Amerika.
Brightlight producer Mayor Albee, libre na sa mga sexy star
Sandali kong nakatsikahan ang Bacolod City Mayor Albee Benitez sa isang café sa Mandaluyong kamakailan lang, at tinukso ko siya sa mga magagandang stars na nali-link sa kanya.
At nagulat kami sa kuwentong magkasama raw sila ng sikat na sexy actress na pumunta ng Japan nung nakaraang taon.
Napangiti at umiiling lang si Mayor Albee sa intrigang ‘yan.
May mga nagtanong na kasi sa amin kung sila na ba nitong sexy actress dahil may nakakita raw sa kanila sa airport na talagang magkasama sila.
‘Yung reaction niyang napapangiti at umiiling ay in-assume na naming hindi ito totoo.
Pero nagugulat siya sa iba pang mga magagandang aktres na tinanong ko sa kanya.
Hindi pa gaanong kilala ang mga magagandang aktres na ito, pero nakilala sila ni Mayor Albee.
Wala siyang sinasabi, pero parang may pagka trulala ang ibang naririnig naming kuwento.
Nilinaw naman sa amin ni Mayor Albee na wala naman daw problema kung sakaling totoo man ‘yun.
Tumango siya at napangiti uli nang sinundan ko nang tanong kung totoong matagal na pala silang hiwalay na mag-asawa. “We have not been a couple for several years already.
“In fact we have gotten a dissolution in court several years back,” matipid niyang pahayag tungkol sa isyung hiwalayan.
May ilan pa kaming narinig, pero makahulugang ngiti lang ang buwelta sa amin ni Mayor Albee.
Sana nga maging active siya uli ang Brightlight Productions sa paggawa ng pelikula.
Kung hindi ako nagkamali ‘yung Love, Bosleng and Tali at ang Lutong Daza lang ang pinu-produce ng Brightlight sa Net 25.
Pero ang hinahanap namin ay ang magagandang pelikulang ginawa nila, kagaya ng Magikland, ang huling pelikula ng premyadong direktor na si Peque Gallaga.
Ginawa rin nila ang Alpha Kid ni Mayor Javi Benitez at Sue Ramirez, pero wala pa kaming balita kung kailan nila ito isu-showing.
May ginawa pa silang isang BL na pinagbidahan ni Albie Casiño, ang Got To Bilibid Magic, pero wala rin kaming balita kung isu-showing pa ba ‘yun.
- Latest























