Krista sa October na babalik kasama ang asawa
Hindi ako naniniwala na dadalo si Janice de Belen sa beach wedding nina Priscilla Meirelles at John Estrada kung sakaling imbitahan siya.
Alam ni Janice kung saan ito lulugar. Alam niya na magiging circus ang beach wedding kapag umapir siya pero “I wish them well” naman ang message niya para sa kanyang ex-dyowa at sa future wife nito.
* * *
Very positive ang stand ni Iza Calzado tungkol sa pagkakaroon ng sakit ng kanyang tatay na si Lito.
Isa ako sa mga nagulat nang mabalitaan ko na may sakit si Lito dahil napanood ko pa ang guesting niya sa isang TV series ng GMA 7.
Pumayat ang tatay ni Iza pero wala sa kanyang hitsura na may nararamdaman siya. Birthday ng aktres sa Aug. 12 at hindi para sa sarili ang birthday wish niya. Ang gumaling ang kanyang fadir ang birthday wish ni Iza na muling pinatunayan na loving daughter siya.
* * *
Tututukan ko ngayong hapon ang Showbiz Central dahil may exclusive interview sila kay Mrs. Annie Yap, ang butihing madir ni James na hurt na hurt na sa mga sinasabi ni Kris Aquino tungkol sa kanyang anak.
Sosyal ang staff ng Showbiz Central dahil nag-fly pa sila sa Negros Occidental para sa VTR interview sa soon-to-be ex-mother-in-law ni Kris.
Pumayag na magsalita sa harap ng kamera si Mrs. Yap dahil sa awa sa kanyang anak. Bihirang mapanood sa TV ang nanay ni James. Hindi ko na nga matandaan ang kanyang hitsura dahil maraming taon na rin ang nakalilipas mula nang mamanhikan si Kris sa bahay nila sa Negros Occidental.
* * *
Kagabi ang last episode ng drama anthology ni Claudine Barretto dahil next week, ang Jejemom na ang mapapanood sa timeslot ng Claudine sa GMA 7.
Si Mark Anthony Fernandez ang last guest sa drama show ni Claudine na nag-goodbye kagabi sa ere.
Lead star ng Jejemom si Eugene Domingo na hindi afraid sa over exposure dahil magkakaiba naman ang format ng kanyang mga television shows.
* * *
Matunog na kaibigan ang tawag ni Congressman Manny Pacquiao kay Krista Ranillo na minsan nang na-link sa kanya.
“Best wishes” ang message ni Manny para kay Krista na malapit nang ikasal kay Papa Niño Lim ng Los Angeles, California.
Ipinarating ni Manny kay Krista ang congratulatory message niya sa exclusive interview sa kanya ng Startalk.
Aug. 8 ngayon at kung hindi nagkaroon ng mga pagbabago, ngayon ang kasal nina Krista at Papa Niño. Sa huling kuwentuhan namin ni Krista, sinabi niya na magkasabay silang babalik ng Pilipinas ng kanyang lucky husband. Malamang na magbakasyon sila sa October at babalitaan ko kayo dahil may kasunduan kami ni Krista na magkikita kami.
* * *
Ang interbyu ko kay Richard Gutierrez na ipinalabas kahapon sa Startalk ang proof na nagkita kaming dalawa.
Pero ’yun lang ang masasabi ko. My lips are sealed. Hindi ko puwedeng sabihin kung saan kami nagkita. Ayaw ng mga fans!
- Latest





















