^

PSN Showbiz

Maraming puwedeng Best Actress

THE YOUNG CRITIC - THE YOUNG CRITIC ni Jennifer Miranda -
Walang soap opera–yung local variety man o yung mga imported sa Mexico o Venezuela–ang lubos kong nasusundan. Nasusubaybayan ko lang ang mga unang episode lalo pa nga kung bagong telecast, pagkatapos ay paminsan-minsan ko na lang napapanood dahil sa totoo lang, medyo nakakasawa na ang mga kuwento ng mga anak sa labas, mga nawawalang anak, mga anak na naghahanap ng tunay na magulang at ang mga walang kasing-samang sabwatan ng mga kontrabida para maging kalunos-lunos ang kapalaran ng bidang babae na kundi si Judy Ann Santos ay si Claudine Barretto o si Angelika dela Cruz. Pareho-pareho naman ang kanilang kapalaran o kamalasan sa buhay–laging may problema sa pag-ibig, laging may problema sa kanilang mga magulang at lagi naman silang matiisin.

Ganito naman talaga ang tradisyonal na ugali at suwerte ng mga soap opera leading ladies–matiisin, pasensyosa, maunawain at martir sa pag-ibig. Ang mga kontrabida ay wala na yatang ginagawa sa buhay kundi mag-isip at magplano kung paano nila paiiyakin ang bida at kung paano nila magugulo ang buhay ng mga mabubuting tao sa kanilang paligid. Sinasabing ang mga character sa soap opera ay hango sa tunay na buhay. Ganyan namang lagi ang sinasabi tungkol sa mga drama shows sa telebisyon. Laging based on real life pero ewan ko lang kung mayroong buhay na ganoon kakumplikado at ganoon kagulo at kadami ang walang patid na problema. At syempre telebisyon ito kaya natural lang na ubod ng ganda ang bida, ubod ng talino na hindi mo akalaing papayag na magdusa at magtiis ng kanilang kapalaran ng hindi umaalma.

Ang mga bidang lalaki ay ubod ng guwapo at para ngang nabiyayaan na ng lahat ng maganda sa mundo. Pero problemado rin. Ang di ko nga maintindihan ay kung bakit parang daig pa ng droga ang soap opera kung umepekto sa mga viewers. Wala na kaya silang gagawin kundi sundan ang pakikipagsalaran ng mga soap queens araw-araw? Hindi lang iisa ang soap opera na kinahuhumalingan ng madla. Bukod sa soap opera sa gabi, may mga Mexican soaps din kung tanghali at hapon. Parang kung madaling araw lamang mapapahinga ang iyong mga luhaang mata. Maging ang mga sinasabing pagsasadula ng mga criminal cases sa telebisyon tulad ng Kabalikat, Kasangga at Your Honor ay may hawig na rin sa soap opera.

Noong bata pa ako, ang soap lamang na natatandaan ko ay ang Flordeluna ni Janice de Belen at ang Anna Lisa ni Julie Vega. Ngayon ay mayroon sigurong higit sa sampu ang local at imported soap opera ang nasa ere at lahat daw ay may tagasubaybay. Hindi mo nga kailangang sundan araw-araw dahil basta alam mo ang takbo ng kuwento okey ka na. Huwag mo nang guluhin ang isip mo at hanapin ang mga explanation kung bakit bigla na lamang mahirap sina Robert Arevalo at Boots Anson Roa samantalang mayaman na ang dati nilang katulong na si Mylene Dizon sa soap opera na Sa Dulo ng Walang Hanggan. Laging palipat-lipat ng bahay si Gloria Romero. Si Armida Siguion-Reyna naman ay laging nakababad sa bahay ni Connie Reyes at Edu Manzano at inuudyukan ang kanyang apong si Julia Clarete na gawan na ng malisya si Judy Ann Santos sa Puso Ko, Iinagatan Ka.

At padagdag nang padagdag ang mga characters sa soap opera gaya nang biglang naging bagong kontrabida si Dina Bonnevie sa Ikaw Lang Ang Mamahalin. O kaya’y biglang lumitaw si Matet de Leon bilang anak ni Emilio Garcia sa Sa Dulo Ng Walang Hanggan at si Ricky Davao naman ay bagong lover ni Jean Garcia sa Pangako Sa ’Yo. Kapag mahirap na raw ang schedule ng mga artista, bigla na lamang itong pumupunta kunwari sa Amerika o kaya naospital o biglang nawala sa kuwento ng soap opera.

Syempre maganda rin ang mga soap opera dahil ito ay naging natatanging venue para ma-expose naman ang mga artista kung wala silang pelikula. Para sa iba, ang soap opera ay ang panibagong blossoming ng kanilang mga lanta ng career. Lahat na yata ng mga retirado at semi-retired actors and actresses ay makikita ngayon sa mga soap opera series sa telebisyon. Ang kapapanalong best actress ng Star Awards For TV na si Eula Valdez ay nagsimula sa tropang Bagets sa Viva Films pero hindi sinuwerteng maging tunay na leading lady o tunay na bituin sa pelikula. Pero mahusay namang umarte si Eula at sinusuwerte rin dahil natagpuan niya ang isang magandang soap opera role.

Kung tutuusin maski yata sino sa mga kasalukuyang soap opera ay maaaring mapiling best actress tulad nina Zsazsa Padilla, Cherry Pie Picache, Jean Garcia, Helen Gamboa, Eva Darren at Pilar Pilapil at marami pang iba. Sa palagay ko, nagkakatalo lang sa ganda ng role na ginagampanan. Aasahan mong ang mapipiling best drama actress sa telebisyon ay ang mga bida sa soap opera tulad nina Judy Ann, Angelika, Claudine o Kristine Hermosa. Sa totoo lang walang itulak kabigin sa kanila.
*****
Higit sa tatlumpu at halos apatnapu ang nakuhang awards sa iba’t-ibang kategorya sa PMPC Star Awards For TV noong isang linggo at sa palagay ko, pinaka-deserving ang tropeong ibinigay nila sa larangan ng public affairs categories. Hindi ko man nasusubaybayan ang mga soap opera, lagi naman akong nakatutok kahit halos madaling araw sa mga programang tulad ng Debate, I-Witness at The Probe Team. Buti na lang at Sabado na ng hapon ang Imbestigador. Medyo nga lang depressing at negative ang dating sa akin ng mga public affairs episode dahil puro krimen, katiwalian, problema ng bayan ang tinatalakay. Paminsan-minsan may mabuti o magandang tema ang subject matter sa I-Witness o Probe Team, pero kadalasan nakakabahala ang kanilang ipini-feature.

Surely there are positive things that the viewers need to know. Something heartwarming and helpful in their lives. Sa panahon ng digmaan at karahasan, sana naman makapanood tayo sa telebisyon ng tungkol sa mga kabayanihan sa likod ng mga disasters. I-feature naman natin ang mga kuwento ng pag-asa. Meron nga nito pero sa palagay ko, hindi masyadong nabibigyan ng sapat na pansin. Noong Edsa I, may nagsasabing ang Pilipinas ang bansa ng libu-libong bayani at buong pagmamalaki nating ibino-broadcast ito sa buong mundo. Ngayon, ang Pilipinas ay isa sa mga nangunguna sa problema ng droga, korupsyon, katiwalian, mga terorista at mga mapagsamantalang mga pulitiko. Kaya nga raw hindi na nawawalan ng material ang mga programang tumatalakay sa mga crime cases tulad ng Imbestigador, Kasangga, Philippines’ Most Wanted at Kabalikat.

vuukle comment

JEAN GARCIA

JUDY ANN SANTOS

KUNG

LANG

NAMAN

OPERA

SOAP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with