31 timbog sa love, investment scam

Sindikato nabuwag
MANILA, Philippines — Nasa 31 katao na umano’y nagpapatakbo ng romance at investment scam sa Bohol na nakakuha ng tinatayang $10 milyon o katumbas ng P639 milyon mula sa kanilang mga biktima gamit ang pekeng pagkakakilanlan sa internet.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), isinagawa ang operasyon kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) noong Nobyembre 10 at 11 sa apat na magkakaugnay na lugar sa Panglao at Dauis.
Nakumpiska sa operasyon ang daan-daang computer at cellphone, SIM card, Starlink equipment, mga dokumentong pinansyal at mga script na umano’y ginagamit sa panloloko.
Batay sa imbestigasyon, bumubuo ang grupo ng pekeng romantikong relasyon upang makuha ang tiwala ng mga biktima bago hikayating mamuhunan sa cryptocurrency at iba pang investment scheme. Iniimbestigahan din ang posibleng ugnayan nito sa mga scam hub sa Cambodia.
Dinala ang 31 suspek sa inquest proceedings at inirekomenda ang pagsasampa ng kaso kaugnay ng paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act at Cybercrime Prevention Act.
Ayon kay PAOCC Executive Director Usec. Benjamin Acorda Jr., patuloy na tinutukoy ng mga imbestigador ang mga financier at organizer ng grupo upang mapanagot ang lahat ng nasa likod ng operasyon.
- Latest




















