6 dayuhan inaresto sa illegal activities
MANILA, Philippines — Anim na dayuhan, kabilang ang dalawang Chinese at apat na Taiwanese, ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na sugal, panloloko at cybercrime.
Kinilala ang dalawang Chinese na sina Yang Jiazl, na umano’y nagpapatakbo ng sindikato ng ilegal na online gambling, at Cheng Kun, 41, na inaresto sa Cagayan dahil sa panloloko umano sa isang kababayan gamit ang pekeng alok ng trabaho sa ibang bansa. Si Yang ay pinaghahanap sa China at saklaw umano ng Interpol Red Notice. Sinasabing nasa 360 ilegal na website ng pagsusugal ang pinatatakbo ng kanyang sindikato para sa mga transaksyong pinansyal sa iba’t ibang bansa.
Si Cheng naman ay may detention warrant na inilabas ng mga awtoridad sa Fuxin, China, noong 2024 dahil umano sa paniningil ng 35,800 yuan kapalit ng mga ipinangakong trabaho sa ibang bansa at iba pang serbisyo na hindi naman natupad.
Samantala, inaresto rin ng BI sa kanilang pinagtatrabahuhan sa Brgy. Pagsabungan, Mandaue City ang apat na Taiwanese na sina Chan Feng Jui, 23; Yu Hsin Yu, 28; Wu Ching Yen, 25; at Jian Cheng Jia, 24. Hinihinalang nagpapatakbo ang mga ito ng online cyber fraud operation gamit ang kani-kanilang computer workstation, kasunod ng kahilingan ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO). May mga warrant of arrest ang apat na inilabas ng Taiwan New Taipei District Prosecutors Office noong Agosto 20, 2026.
- Latest
















