Babae, mas epektibong pulitiko
SINO ang mas epektibo sa larangan ng pulitika, lalaki ba o babae? Sino ang higit na makapagsusulong ng mga programang tutugon sa mga pangunahing pangangailangang sosyal na katulad ng edukasyon at pangkalusugan, lalaki ba o babae?
Ayon sa pinakahuling sarbey ng Stratbase-Social Weather Stations, 51 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwala na higit na epektibong pulitiko ang mga babae kaysa lalaki; samantalang 74 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwala na higit na magaling kaysa mga lalaki ang mga babaeng lider sa pagsusulong ng mga panlipunang programa na katulad ng edukasyon at kalusugan.
Ibig sabihin, mahigit sa kalahati ng mga Pilipino ang naniniwala na mas magaling sa pulitika at pamamahala ang mga babaeng pulitiko, kaysa mga lalaki. Kung ito ang pagbabasihan, madaling tatalunin ng mga babaeng pulitiko ang mga lalaki. Pero ayon pa rin sa sarbey ng SWS, mahigit sa kalahati ng mga Pilipino ang naniniwala na napakahirap sa isang babae ang pumasok sa pulitika, maliban na lamang kung siya’y kabilang sa political dynasty.
Ito talaga ang realidad sa ating lipunan. Magaling ang mga babae sa larangan ng pulitika at pamumuno, kasing-galing, kundi man mas magaling pa sa mga lalaki. Pero laging dehado ang mga babae sa mga lalaki kapag may halalan. Bakit? May isa akong kaibigan na simple lang ang nakikitang dahilan. Kasi, ayon sa kanya, hindi sanay ang mga babae sa pamumulitika. Sa panahon ng kampanya, ang mga babaeng kandidato ay nahaharap sa pambu-bully o ‘‘sexist remarks.’’ Sa lehislatura, karaniwan ang mga babaeng Senador at Kongresista ay inilalagay sa hindi masyadong makapangyarihang mga komite.
Ano kaya’t sa eleksyon sa 2028 ang ihalal natin na Presidente at Bise Presidente ay babae? At mag-upo tayo sa Kongreso ng mas maraming babae kaysa lalaki? Ano kaya kung ang ihahalal ng mga Senador na Senate President ay babae at ang ihahalal ng mga Kongresista na Speaker of the House ay babae? Talaga kayang magiging maganda ang takbo ng ating pulitika at magkakaroon tayo ng mahusay na pamamahala?
Bagamat mahirap mangyari ang nabanggit kong scenario, isang katotohanan ang hindi mapapabulaanan, likas na magaling ang mga babae sa sining ng pamamahala na kung tawagin ay pulitika. Malinaw itong napapatunayan sa loob ng pamilya na itinuturing na pinakamaliit na political unit sa anumang lipunan. Magaling sa multi-tasking ang mga babae. Kung sakaling working wife, siya pa rin ang nag-iintindi sa takbo ng buhay ng pamilya: budget, kakainin sa araw-araw, homework ng mga anak na nag-aaral, etchetera, etchetera.
Ganito ang paglalarawan sa babae ng Kawikaan 31:25, «Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal.» Ito ang mahalagang katangian na dapat taglayin ng isang lider na mamumuno sa gobyerno: may integridad at may pangitain para sa magandang kinabukasan. Isang lider na matapat, laging tumatayo sa katotohanan, kabutihan at katarungan.
Wika ng American politician at religious leader na si Brigham Young, «Turuan mo ang isang lalaki at matututo ang isang lalaki. Turuan mo ang isang babae at matututo ang isang buong henerasyon.»
Marahil, kapag ang mga babae ang mamumuno sa buong gobyerno, doon pa lamang matututo ang buong henerasyon ng mga Pilipino! Subukan natin!
- Latest















