3 nasabat ng P3.7 milyon pekeng yosi

RAGAY, Camarines Sur, Philippines — Kalaboso ang tatlo katao matapos mahulihan ng mga pekeng sigarilyo na aabot sa halagang P3.7 milyon sa ginawang intelligence driven law enforcement operation ng mga tauhan ng Police Regional Office 5 sa buong supervision ni regional director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio sa Sitio Bokal, Brgy. Godofredo Sr., Ragay, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa republic act no.9211 o Tobacco Regulation Act of 2003; Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act; at National Internal Revenue Code ang mga suspek na kinilalang sina Rude, 40-anyos, ng naturang lugar; Brin, 27-anyos; at Joy, 30-anyos, kapwa ng Del Gallego, Camarines Sur.
Sa ulat na inilabas ng Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-2:30 ng hapon inilatag ang buy bust operation ng mga kasapi ng Regional Intelligence Division 5, Ragay Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, at 1st Provincial Mobile Force Company sa koordinasyon na rin sa Rural Health Office ng naturang bayan laban kay Rude na agad inaresto makaraang tanggapin ang boodle money na ginamit sa operasyon.
Habang iniimbestigahan ay ilang beses tumawag kay Rude ang kanyang supplier na paparating umano at may dala pang kahung-kahong sigarilyo. Ilang sandali nga ay dumating ang isang itim na MPV Suzuki Ertiga na may plate number NBX-3761 at nagbaba pa ng mga pekeng sigarilyo dahilan para arestuhin ang dalawa pang suspek ng mga operatiba.
Nang rekisahin ay walang nakitang graphic health warning sa mga pakete ng sigarilyo; walang BIR stamps; at walang maipakitang dokumento. Umabot lahat sa P3,719,000 ang kabuuang halaga ng nasamsam na mga kontrabando.
Kumpiskado rin ang mga cellphone na ginagamit ng mga suspek sa ilegal na transaksyon. Kasamang dinala at inimpoung ang kanilang sasakyan.
- Latest

















