4 barangay sa Macalelon, Quezon positibo sa ASF

LUCENA CITY, Philippines — Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang apat na barangay sa bayan ng Macalelon, Quezon, batay sa resulta ng pagsusuri sa mga blood sample na inilabas noong Nobyembre 11, 2026.
Kabilang sa mga barangay na apektado ang Mabini Ibaba, Amontay, Candangal, at Pinagbayanan.
Bilang agarang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit, nagsagawa ang Macalelon Municipal Agriculture Office (MAO) ng surveillance o pagsusuri at pagbabantay sa mga alagang baboy, gayundin ng depopulation o kontroladong pag-aalis ng mga baboy na apektado ng ASF sa mga nasabing lugar.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang lahat ng hog raisers na higpitan ang pagpapatupad ng biosecurity measures, partikular sa mga barangay na wala pang naitatalang kaso ng sakit.
Pinayuhan ang mga nag-aalaga ng baboy na regular na obserbahan ang kalagayan ng kanilang mga alagang hayop at agad iulat sa kinauukulan ang anumang sintomas gaya ng pananamlay, kawalan ng ganang kumain, lagnat, at pamumula ng balat.
Ipinagbabawal din ang basta-bastang paglilipat o pagbibiyahe ng mga baboy nang walang kaukulang pahintulot, habang pinapayuhang panatilihing malinis ang mga kulungan, at limitahan ang pagpasok ng mga hindi awtorisadong tao at sasakyan.
Maaaring ireport sa mga opisyal ng barangay, samahan ng poultry and livestock o sa opisyal na Facebook page ng LGU Macalelon ang anumang kahina-hinalang sintomas sa mga alagang baboy.
- Latest

















