Mayon muling nag-alburoto, nagbuga ng makapal na abo

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines —- Sa pangalawang pagkakataon muling nagbuga ng makapal na abo ang Bulkang Mayon sa lalawigang ito na ikinabahala ng mga residente malapit sa bundok, kahapon ng umaga.
Sa panayam kay Doreen Abelinde, officer-in-charge ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Ligñon Hill Observatory Station-Legazpi City, naitala ang ash column ng bulkan at pagbuga ng pyroclastic materials dakong alas-8:22 na umabot ng 1,700 metro ang taas mula sa crater. Napadpad ito patungo sa direksyon ng timog-kanluran ng bundok o sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig at iba pang lugar sa ikatlong distrito ng lalawigan.
Ani Abelinde, sa loob ng 24-oras na monitoring nila sa bulkan, naitala ang minor strombolian activity dakong ala-1:15 ng madaling araw kahapon.
Nagkaroon din ng 13-volcanic earthquakes na may isang rockfall event. Umabot rin sa 1,751 tonelada bawat araw ang ibinugang asupre o sulfur dioxide emission.
Nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang status ng Mt. Mayon, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong danger zone sa paligid ng bulkan dahil sa banta ng pyroclastic density currents, agos ng lava, pagguho ng mga bato, at iba pang panganib.
- Latest


















