Smuggled broccoli ibinebenta sa Benguet at Baguio

LA TRINIDAD, Benguet, Philippines — Binabalaan ang mga mamimili laban sa mga smuggled broccoli na ibinebenta ngayon sa mga pamilihan sa La Trinidad, Benguet at kalapit na Baguio City.
Ayon sa Cordillera Broccoli Traders and Farmers Association, maaaring makilala ang pinaghihinalaang ilegal na inangkat na broccoli sa hindi pangkaraniwang pagkakapare-pareho ng laki, maayos na pagkakaputol sa ilalim na tila “flower-cut,” at kawalan ng tangkay—mga katangiang naiiba sa broccoli na itinatanim ng mga magsasaka sa Benguet.
Nagbabala rin ang grupo sa posibleng paggamit ng preservatives o iba pang kemikal upang mapahaba ang shelf life ng smuggled na produkto, na ayon sa kanila ay hindi dumaan sa wastong pagsusuri.
Samantala, ang lokal na broccoli ay inaani at dinadala sa mga pamilihan nang walang matagal na imbakan at transportasyong karaniwang kaakibat ng mga imported na gulay.
Sa pagkakadiskubre nito, sinabi ng mga lokal na magsasaka at trader ng gulay na lalo pang naiipit ang mga lokal na prodyuser dahil sa patuloy na pagpasok ng mga puslit na gulay, na nagbabanta sa kabuhayan ng mga magsasaka hindi lamang sa Benguet kundi sa buong Cordillera.
Ayon sa League of Associations at the La Trinidad Vegetable Trading Post, patuloy pa ring bumabangon ang industriya ng highland vegetables mula sa epekto ng mga smuggled carrot na bumaha sa mga pamilihan sa buong bansa.
- Latest



















