3 arestado sa pagdukot sa 2 Koreano

MANILA, Philippines — Tatlong pinaghihinalaang kidnappers ang inaresto ng mga awtoridad kaugnay ng pagdukot sa dalawang Korean national sa isinagawang operasyon sa Clark Freeport and Special Economic Zone sa Mabalacat City, Pampanga kamakalawa ng hapon.
Sa nasabing operasyon, nasagip din ang dalawang Koreano na pawang naninirahan sa lungsod ng Angeles ng nasabi ring lalawigan.
Pansamantala namang hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspect at ng mga biktima dahilan patuloy pa ang masusing imbestigasyon sa kaso.
Base sa inisyal na report ng Mabalacat City Police, nasakote ang mga suspect matapos naman silang makatanggap ng report sa behikulong ginamit nila sa pagdukot sa dalawang Koreano.
Agad namang nai-flash alarm ang nasabing behikulo hanggang sa maispatan ito ng mga operatiba na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspect.
Hindi na nakapalag ang tatlo na nakumpiskahan ng tatlong armas, 44 na bala ng baril at sari-saring IDs.
Magugunita na nagbabala ang Korean Embassy sa kanilang mga nationals na mag-ingat sa pagbiyahe sa Pilipinas dahil sa mga insidente ng kidnapping for ransom, robbery holdup at iba pa na ang target ay mga dayuhan.
- Latest



















