14-anyos kawatan sa iskul, utas sa dalang baril!

Nakipagpambuno sa guwardiya...
MANILA, Philippines — Isang 14-anyos na menor-de-edad ang namatay nang maputukan ang sarili ng dala nitong baril sa umano’y pagnanakaw sa Lantapan, Bukidnon, ayon sa ulat kahapon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Lantapan Police, pinasok umano ng biktima ang isang paaralan at nakuha mula rito ang welding machine at grinder.
Sinasabing nahuli ng guwardiya ng paaralan na papatakas na ang suspek dahilan para habulin ito at abutan.
Habang nagpapangbuno umano ang guwardiya at ang suspek nang aksidenteng pumutok ang dala nitong .38 caliber na revolver.
Nasapol ng bala sa tiyan ang binatilyo na tumagos sa likod nito.
Dead-on-arrival ang menor-de-edad na suspek nang dalhin sa ospital.
Hindi naman matanggap ng pamilya ng binatilyo ang nangyari at nagsabing kakasuhan nila ng homicide ang guwardiya.
Nilinaw naman ng mga otoridad na isang insidente ng pagnanakaw ang nangyari at shooting incident.
Binigyang-diin ng principal ng paaralan na walang foul play sa pagkamatay ng biktima lalo na’t makailang beses nang nagnakaw umano sa kanila ang binatilyo.
- Latest



















