Jeep vs. trak: Driver patay, 12 pasahero sugatan

MANILA, Philippines — Patay ang isang jeepney driver habang sugatan ang labindalawang pasahero nito matapos banggain ng isang truck na may kargang caustic powder ang sinasakyan nilang jeep sa Brgy. Ibabao, Cuenca, Batangas, kahapon ng madaling araw ng Miyerkules.
Ayon sa Cuenca Police, bumabaybay ang passenger jeep (DXX 407) patungong Lipa City nang salubungin ito ng truck (PUE 834) na mabilis umano ang takbo at nagsi-swerve hanggang tuluyang sumakop sa linya ng jeep at bumangga sa kaliwang bahagi nito.
Sa lakas ng impact ay tumagilid ang jeep kung saan nasawi ang driver na nakilalang si alyas “Reynaldo” matapos isugod sa Martin Marasigan District Hospital, kung saan idineklara siyang dead-on-arrival.
Nasugatan naman ang labindalawang pasahero kung saan lahat ay nagtamo ng malulubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kinilala ang driver ng truck na si alyas “Renato”, 48, residente ng Bustos, Bulacan, na aresto matapos ang insidente.
- Latest





















