Drug dealer sa Marawi, timbog sa P3.4 milyong shabu
COTABATO CITY, Philippines — Nakumpiska ng mga agents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) katuwang ang Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang may P3.4 milyon na halaga ng shabu sa isang hinihinalang drug dealer sa inilatag na buy-bust operation sa Marawi City nitong Martes.
Nasa kustodiya na ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang suspect na si Arham Hadji Omar Alim na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Mapayapang nagpaaresto si Alim sa mga operatiba ng PDEA-BARMM at mga pulis na kanyang nabentahan ng kalahating kilong shabu na nagkakahalaga ng P3.4 million, sa ikinasang operasyon sa Barangay Marawi Poblacion, Marawi City, kabisera ng Lanao del Sur ng nasabing araw.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-BARMM, nailatag nila ang naturang matagumpay na anti-illegal drug operation sa tulong ng PRO-BAR na pinamumunuan ni Police Brig. Gen. Prexy Tanggawohn at ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. na siyang chairman ng kanilang Provincial Peace and Order Council.
- Latest