2 HS student sinaksak ng Grade 7 na binu-bully
MANILA, Philippines — Isang Grade 8 at Grade 9 ang nasugatan nang pagsasaksakin ng isang mag-aaral na Grade 7 na napikon sa pambu-bully at pananakit ng mga ito sa naganap na karahasan sa bayan ng Mapandan, Pangasinan.
Sa report ng Mapandan Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente sa plaza ng nasabing bayan noong Martes ng gabi.
Ang Grade 8 ay nagtamo nang saksak sa dibdib habang ang Grade 9 ay saksak sa dibdib at tagiliran; pawang mabilis na isinugod sa Mapandan Community Hospital para malapatan ng lunas.
Sa imbestigasyon, nagtungo sa plaza ang grupo ng suspect na isang Grade 7 student at kasunod ng mga ito ay dumating naman ang grupo ng Grade 8 at Grade 9.
Nang dumating ang grupo ng mga suspect ay pinagsusuntok ng dalawang biktima ang nakababatang suspect.
Matapos makawala sa panununtok ng mga estudyanteng bully ay biglang bumunot ng patalim ang suspect na gumanti matapos na pagsasaksakin ang Grade 8 at Grade 9 na nanuntok sa kaniya.
Sa follow-up operation ng pulisya ay natunton naman ang batang suspect at nakumpiska mula rito ang patalim na ginamit sa pananaksak.
Ang suspect ay itinuturing na Child in Conflict With the Law (CICL) ay isasailalim ito sa kustodya ng Municipal Social Welfare and Development (MSWDO).
- Latest















